AYAW na rin tumanggap ng Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19 maging persons under investigation (PUIs).
Sa inilabas na advisory, nakasaad na puno na ang mga wards ng ospital, kulang na ang medical personnel at hindi sapat ang test kits at personal protective equipment (PPE) para magpatuloy sa operasyon ng covid-related cases.
Ang CGHMC ang ikaapat na high-end private hospital sa Metro Manila kasunod ng Makati Medical Center, The Medical City (Pasig) at St. Luke’s (Quezon City and Bonifacio Global City) ang tumanggi na sa mga pasyenteng infected ng coronavirus.
“With a heavy heart, the CGHMC Administration has decided not to accept anymore PUIs/ COVID positive patients. They are encouraged to go to covid designated hospitals or other facilities,” sabi sa kalatas na pirmado ni Medical Director Dr. Samuel D. Ang.
Sinabi ng pagamutan na ginawa nila ang hakbang upang maiwasang lumaganap pang lubos ang sakit habang sinisiguro na may sapat na pasilidad at health worker na aasikaso sa mga pasyenteng naka-confine doon.
“After all, admitting patients without the necessary equipment and manpower may subject patients to more harm than good. Furthermore, it may also subject patients at an even higher risks of getting infected.”
Gayunpaman, mananatiling bukas ang emergency room ng CGHMC 24/7 para sa gamutin ang mga pasyenteng may ibang “emergency medical concerns.”
Pinangako rin ng ospital na titimbangin nito ang kakayahan “on a day to day basis” upang malaman kung kailan ito magbabalik sa normal na operasyon.