Imee: Karahasan sisiklab dahil sa kagutuman

NAGBABALA ngayon si Senator Imee Marcos na malamang na sumiklab ang kaguluhahn o karahasan sa Metro Manila kung hindi kaagad matutugunan ang kakulangan ng supply sa pagkain na ngayon ay unti-unting nararanasan sa mga pamilihan.

Kaugnay nito, nanawagan si Marcos na kaagad ipamigay nang libre ang mga tone-toneladang sakong bigas na nasa mga bodega ng National Food Authority kabilang na ang mga frozen assorted fish sa Bureau of Customs at mga COVID-19 test kits at face mask na nakatengga sa Ninoy Aquino International Airport para pakinabangan ng mga taga Metro Manila.

“Wag nang patagalin yan! Gawin nating priority ang Metro Manila. Dapat i-distribute na ang mga bigas na ‘yan na nabuburo lang sa mga bodega ng NFA. Huwag na nating hintayin pang magutom ang mga kababayan natin na maaring pagsimulan ng kaguluhan,” pahayag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na base sa pakikipag-usap niya sa mga alkade ng Metro Manila, pumayag ang mga ito na sila mismo ang magsa-ayos ng mga bodega na paglalagakan ng mga sakong bigas na manggagaling sa NFA.

“Kawawa talaga ang mga Metro Manila mayors dahil kakarampot lang ang budget  nila na nanggagaling sa calamity fund. Paano nila pagkakasyahin ang kakarampot nilang budget sa libu-libong mamamayan na kanilang pakakainin?”pagtatanong ni Marcos.

Ayon pa kay Marcos, maaari namang i-donate na lamang ang assorted frozen fish na nasa BoC sa pamamagitan ng Depatrment of Social Welfare and Development para mabilis itong maipamahagi sa MM.

“Donate na yan. Asap! At kung gustong makatulong ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries na siyang namamahala sa regulasyon ng importasyon ng isda, maging maluwag sila para makatulong sa taongbayan,” pahayag ni Marcos.

Nilinaw din ni Marcos na dahil sa epekto ng COVID-19 ang mga arawang manggagawa, mga namamasada at maliit na empleyado na nawalan ng trabaho ay wala na sa ngayong kakayanang makabili ng pang araw-araw na kakainin at kailangan kagyat na tulungan ng pamahalaan.

Read more...