BUNGA na rin ng banta ng coronavirus (COVID-19) pandemic, nagkasundo sina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach nitong Martes na ganapin ang Tokyo 2020 Games sa susunod na taon.
“I proposed to postpone for about a year and president Bach responded with 100 percent agreement,” sabi ni Abe sa mga mamamahayag.
Matinding dagok naman ito para sa lungsod ng Tokyo, na tumanggap ng mga papuri dahil sa mahusay na pagsasaayos para sa naturang event, dahil naihanda na ang lahat ng mga venues bago pa man mag-umpisa ang Olympics at nakapag-imprinta na ng sobra-sobrang tiket.
Ang Olympics, na nakaranas na ng mga boykot, atake ng mga terorista at protesta, ay ginaganap ng kada apat magmula pa noong 1948 at ito ang pinakapremyadong sports event na naapektuhan ng virus na nakapatay ng libu-libong tao at nakapagpatigil ng mga sports competitions sa buong mundo.
Nakaranas ng matinding pagpuna ang IOC sa nakalipas na mga araw para ipagpaliban ang Tokyo Olympic Games, na nakatakda sanang magsimula sa Hulyo 24, bunga ng isinasagawang lockdown sa iba’t-ibang panig ng mundo para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.