HINDI napigilan ng mga kongresista na maglabas ng sama ng loob sa mga senador na ginagamit sa publicity ang hinihinging emergency power ni Pangulong Duterte upang labanan ang coronavirus disease 2019.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano kung gusto lang ng Kamara de Representantes ang publicity ay ginawa nila ang pondong magagamit sa paglaban sa COVID-19 na parang telephone director.
“If we wanted publicity kinatay natin itong bill na ito and every single advocacy spell out natin hanggang singkapal na ng phone book,” ani Cayetano.
Ayon kay Cayetano walang nakakaalam na mangyayari ang COVID-19 kaya wala ito sa inihandang 2020 national budget ng Kongreso kaya makabubuti na bigyan ng special power ang pangulo para magamit nito ang available na pondo.
“Imagine a senator of the Republic saying, ‘We need medicine. We need to help the frontliners. We need provisions of food, but we don’t need the special powers or emergency powers’. E sa’n mo kukunin ang pera?”
Sinabi ni Cayetano na kung walang gagawin ang gobyerno marami ang mamamatay.
“If we listen to the bashers, critics, mga pilosopo, you know, who wants us to define what’s the difference between emergency powers, stand-by powers, special powers, special authority, I mean, ‘wag na tayo mamilosopo, e. May emergency, kailangan ng powers ng Presidente. E kung pipilosopohin niyo ‘ko, pilosopo din ako. Kailangan ng stand-by powers, kasi maraming stand-by sa kalye. Kailangan nila bumalik sa mga bahay nila, so bigyan ng power ang ating pangulo.”
Iginiit naman ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor na nagtagal ang pagpasa ng panukala dahil sa isinisingit ng mga senador.
“Bakit pa tayo gumagawa ng bill ng emergency powers, kasi nga may emergency. Kung ito naman eh hindi emergency, gagawa tayo ng bill ng PhilHealth, gagawa tayo ng GAA, gagawa tayo ng isang batas pambubuwis. Pwede tayo magdebate, pwede tayong mag-usap, pwede hindi maging kasing detalye tulad ng ginagawa nating batas ngayon,” ani Defensor.
Bago mag-alas 12 ng hatinggabi ay natapos na ng Kamara na pagbotohan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
“Sa Senate ano pinag-usapan? Special allowance for health workers para may hazard. Ni-limit nila magkano, P100,000 kung namatay, P1 million kung mas malaki kailangan. Bakit nililimita, bakit ‘di natin bigay sa pangulo. Why would we limit it?” dagdag pa ni Defensor.
Upang hindi na magkaroon ng bicameral conference committee na magpapatagal pa upang magkaroon ng emergency power ang Pangulo in-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado.
Natapos ang sesyon alas-3:24 ng umaga ng Martes. Nagsimula ito ng alas-10 ng umaga noong Lunes.