‘One Voice Pilipinas’ ni Matteo naka-P4M donasyon para sa COVID-19 crisis; Sarah naki-join

SARAH GERONIMO AT MATTEO GUIDICELLI

TAGUMPAY ang fundraising project na “One Voice Pilipinas” na pinangunahan ng mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.

Layunin nitong makalikom ng pondo para ipamahagi sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng krisis, lalo na sa mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Ayon sa ulat, umabot sa mahigit P4 million ang nakuhang donasyon ng “One Voice Pilipinas” sa loob lang ng ilang oras. 

Idinaan sa Facebook live session ang nasabing fundraising event hosted by Matteo and Kean Cipriano. Nataon din ito sa first monthsary ng kasal nila ni  Sarah kaya marami ang talagang naghintay, lalo na ang AshMatt fans na magpakita sa kanila si Sarah.

Hindi naman nabigo ang mga nakatutok sa FB page ni Matteo nang biglang lumabas sa screen ang Popstar Royalty makalipas ang apat na oras mula nang mag-start ang live session.

Tinawag ng singer-actor si Sarah para bumati sa madlang pipol na inilarawan pa niyang “my beautiful wife, the most beautiful woman in the world.” 

Binati ni Kean si Sarah at kinumusta, “OK naman,” ang maikling tugon ng singer-actress. Ayon sa mga netizens kitang-kita sa mukha ni Mrs. Guidicelli ang sobrang kaligayahan.

Isa sa mga naging special guest sa “One Voice Pilipinas” si Judy Ann Santos na malapit na kaibigan din ng AshMatt. Ayon kay Juday, idol na idol ng panganay niyang si Yohan si Sarah.

Ibinuking pa nga ng Teleserye Queen na hindi raw talaga nakatulog si Yohan nang bumisita sina Sarah at Matteo sa bahay nila ni Ryan Agoncillo, as in kilig na kilig daw ang kanilang anak nang makasama at makita nang personal ang Popstar.

Kabilang pa sa mga naging guest sa fundraising nina Matteo sina Jericho Rosales, Joey Generoso, Kylie Verzosa at Janine Teñoso.

Ayon kay Matteo, sinubukan din nilang kontakin sina Liza Soberano at Enrique Gil pero hindi raw nakakonek ang mga ito sa FB. Pero aniya, baka sa susunod na session ng “One Voice Pilipinas” ay maka-join na ang LizQuen pati na si Kathryn Bernardo.

Read more...