LIMA sa walong kapamilya ng unang empleyado ng Kamara de Representantes na namatay sa coronavirus disease 2019 ang nag-negatibo sa isinagawang test.
Inanunsyo ito ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales.
“We are pleased to report that 5 of the 8 members of the family of Brandon (our first confirmed case and fatality) tested NEGATIVE. The 3 are still awaiting the results of their tests,” saad ng mensahe ni Montales.
Ang 41-anyos na empleyado ay namatay noong Marso 15. Siya ay nakatalaga sa Printing Services at mayroon umanong ibang sakit bago nahawa ng COVID-19.
Wala rin siyang history ng pagpunta sa ibang bansa kung saan mayroong mga kaso ng COVID-19.
Isa pang empleyado ng Printing Service ang nagpositibo sa naturang sakit.
Mayroon ding chief of staff ng isang kongresista ang pumanaw na kaugnay nito.