Willie magdo-donate ng P1M para sa COVID-19 crisis: Tuloy-tuloy ang pagtulong natin

WILLIE REVILLAME

NAKASENTRO ngayon ang pagtulong ni Willie Revillame sa mga frontliners at medical personnel na walang pagod na nagbibigay ng serbisyo sa bayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Hindi na nakabalik sa Metro Manila si Willie dahil naabutan siya ng enhanced community quarantine habang nagbabakasyon sa kanyang ipinatatayong resort sa Puerto Galera.

Sa isang video na ginawa ng TV host-comedian ipinahatid niya ang kanyang mensahe sa publiko at kung ano ang ginagawa ng kanyang team para makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng COVID-19.

Ayon pa kay Willie, nu’ng mga unang araw ng community quarantine sa buong Luzon, agad silang nagbigay ng tulong at ayuda sa mga nagtatrabaho sa mga checkpoints sa isla tulad ng pagbibigay ng pagkain, bigas, kape at noodles.

Patuloy din daw silang gumagawa ng mga plano para sa mga susunod na aksyon sa paghahatid ng tulong sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Ipinaalala rin ni Willie sa mga tao ang kahalagahan ng pagsunod sa safety and health measures na ipinapatupad ng gobyerno para mas mapabilis ang paglaban at pagbangon ng bansa sa krisis.

“Ito pong ginagawa ko ngayon at ng Wowowin para sa frontliners kasi sila po ngayon ‘yung nagsisilbi sa atin e, lalong lalo na ‘yung nurses, caregivers at ‘yung mga nagbubuwis ng buhay na mga doktor. 

“Hindi ho ganoon kadali ang ginagawa nila para lang ho tulungan ang ating mga kababayan na dumadaan po sa pagsubok na ito, na coronavirus na ito,” pahayag ng Wowowin host.

“Sama-sama ho tayo rito, tulong-tulong. Hindi po kami titigil. Ako, hindi ako titigil po ng pagtulong,” pahayag pa niya.

Promise pa ng TV host, magbibigay ng P1 million ang Wowowin bilang donasyon bukod pa ito sa ibibigay na tulong ng kanyang mga kaibigan at sponsors.

Nanawagan din ang Kapuso TV host sa lahat ng gustong mag-donate: tumawag lang sa 09776506292 at 09610301188.

Read more...