Didal habol pa rin ang Olympic qualifiers

MALAKI man ang pag-asang makalusot sa 2020 Summer Olympic Games sa Tokyo, Japan kung sakaling makansela ang mga nalalabing Olympic qualifying events para sa skateboard competition, mas gugustuhin pa rin ni Margielyn Didal na makasabak sa mga nasabing torneo.

Kasalukuyang No. 14 ranked sa mundo at No. 3 ranked sa Asya base sa listahan ng World Skate, malaki ang tsansa ng PH top bet na si Didal na makasama sa mga top street skaters na makakakuha ng outright berths sa Tokyo Olympics na gaganapin sa Hulyo 24-Agosto 9.

Ang kanselasyon ng qualifiers ay nangangahulugan din na mababawasan ang tsansa ng mga street skaters na wala sa top 16 na patalsikin si Didal sa kanyang kasalukuyang puwesto.

Subalit iba naman ang pananaw ng 2018 Asian Games champion pati na nang kanyang koponan.

“The fewer events she has to go, the more [of her time] she could manage … but we’re really knocking on the door of an [Olympic] medal,” sabi ni Carl Sambrano, ang pangulo ng Skateboarding and Roller Sports Association, sa panayam sa Inquirer Sabado.

Kaya naman mas nanaisin ni Didal na sumabak sa mas maraming qualifiers ayon pa kay Sambrano.

“The only way we can simulate for the Olympics is for her to compete in Olympic-sanctioned events,” dagdag pa ni Sambrano.

Ang dalawa sa pitong gaganaping events na lalahukan ni Didal ay nakansela na bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic. Ang tatlong iba pa ay hindi pa sigurado kung matutuloy kaya naman si Didal ay inaabangan ang paglahok sa dalawang siguradong kumpetisyon — ang Raizin ARK League sa Japan ngayong darating na Abril at ang Street League Skateboarding World Championships sa United Kingdom ngayong Mayo.

Read more...