Coco Martin: Hindi natin alam kung kailan matatapos ang COVID-19…pero walang iwanan

INILUNSAD na ng ABS-CBN ang “Pantawid ng Pag-ibig” fund-raising campaign kaisa ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila at mga pribadong kumpanya upang makapaghatid ng pagkain at mga kakailanganin sa araw-araw sa mga Pilipinong lubos na naaapektuhan ng community quarantine.

Sa gitna ng apela ng gobyerno sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng virus, maraming Pilipino ang hindi makapagtrabaho o makapag-hanapbuhay para matustusan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Ayon sa Presidente at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak, “Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito. Tulad sa lahat ng ating mga pinagdaanan, ang magliligtas sa atin ay ang pagmamahal sa isa’t isa.”

Sa “Pantawid ng Pag-ibig,” gagamitin ng ABS-CBN ang malilikom na donasyon sa pagbili ng pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya. 

Ang mga produktong ito ay ipapasa sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila. Bawat isa sa 17 mayor dito ang mangunguna sa paghahanda at pamamahagi ng relief packages sa kanilang mga kababayang kailangan ng tulong.

Nagpahayag naman ng suporta sa kampanyang ito ang dalawa sa pinakamalaking bituin ng network. Pahayag ng award-winning actress  na si Angel Locsin, “Alam ko na hindi kayo mauubusan ng kabutihan kaya ibuhos po natin ang ating pagmamahal sa ating kapwa.”

Ayon naman kay Teleserye King at actor-director ng “FPJ’s Ang Probinsyano” Coco Martin, “Hindi po natin alam kung hanggang kailan matatapos ang matinding pagsubok na ito. Nang dahil sa ating kabutihan at kabayanihan, sigurado pong malalagpasan din natin ang lahat ng ito dahil po ang lahat ng pamilyang Pilipino ay hindi nag-iiwanan.” 

Samantala, mahigit 100 Kapamilya stars ang mapapanood ngayong gabi sa ABS-CBN as they perform from their own homes for a three-hour digital show. 

May titulong “Pantawid ng Pag-ibig: At-Home Together Concert”, magsisimula ito ng 7 p.m., kung saan mapapanood ang napakaraming musical performances at entertaining vlogs. 

Magiging bahagi rin ito ng fundrasing campaign ng ABS-CBN na “Pantawid ng Pag-ibig.” Ang mga nais tumulong ay maaaring mag-deposito ng cash donation sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts sa BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622.

 

Read more...