Tulungan mamamayan sa bayarin ngayong krisis – Grace Poe

SA harap ng isang buwang community quarantine sa buong Luzon, na pinangangambahan pang tumagal, nanawagan si Senator Grace Poe sa mga bangko, korporasyon at maging ang mga government financial institutions (GFIs) kagaya ng SSS, GSIS at PAG-IBIG na wag nang magpataw ng interes at iba pang penalty sa mga borrowers.

Iginiit ni Poe na dapat ipatupad ang moratorium sa harap na rin ng community quarantine kung saan milyong-milyong empleyado ang hindi makapasok sa kani-kanilang mga trabaho bilang pagtalima sa utos ng pamahalaan na manatili sa bahay at tigil operasyon muna ang halos lahat ng negosyo.

Ayon pa kay Poe, dapat ay walang ipataw na tubo at iba pang surcharges dahil sa pagkabigong mabayaran ng mga miyembro ang kanilang loan at iba pang pagkakautang.

Sinabi pa ni Poe na kasalukuyan, halos lahat ng mga empleyado ay no work, no pay, partikular ang mga maliliit na mga manggagawa, kontraktwal, self-employed at mga talents.

“We seek the compassion and goodwill of companies in making sure that there will be no service interruption, disconnections or penalties as a result of the unwanted delay in payment,” sabi ni Poe.

Idinagdag ni Poe na dahil sa pangyayari, bagamat nais ng mga manggawa na bayaran ang kanilang obligasyon ay wala silang kakayahan dahil sa nangyaring tigil-trabaho.

Samantalang kahit may kakayahan namang magbayad, tiyak na magiging mahaba ang pila sa mga bangko at delikado sa mga mamamayan kung hindi gagawin ang social distancing na isinusulong ng pamahalaan.

Dapat tiyakin na nasa kani-kanilang mga bahay lamang ang mga tao sa harap na rin ng banta ng COVID-19 kung saan patuloy ang pagtaas ng mga kaso.

Nanawagan pa si Poe sa pamahalaan na agarang magpalabas ng panuntunan para sa mga delayed payments.

Sa ngayon, hindi lamang ang banta ng COVID-19 ang ikinababahala ng mamamayan, nagdudulot din ito ng anxiety para sa karamihan dahil sa mga naghihintay na mga bayarin at kung may trabahong babalikan pa.

Ang mahalaga ngayon ay malampasan muna natin ang napakalaking krisis na ito at habang hindi pa, makaagapay ang mga Pinoy sa patong-patong na alalahanin.

Mas importante ngayon ay magpokus ang lahat na maging listas sa banta ng COVID-19.

Read more...