LIBO-LIBONG overpriced thermal scanners, face masks at galong-galon na rubbing alcohol ang nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Rizal.
Sinabi ni NBI Director Eric Distor na sa unang operasyon, ni-raid ng mga otoridad ang isang tindahan sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila noong Boyernes at nakumpiska ang 1,360 piraso ng thermal scanners at 7, 680 piraso ng face mask na nagkakahalaga ng mahigit P10 milyon.
Ibinibenta ang mga thermal scanners, ayon kay Distor, ng P8,000 kada isa, na walong beses na mas mataas kumpara sa normal na presyo na P1,000.
Naaresto sa raid ang assistant manager, cashier, at mga saleslady ng tindahan.
Kakasuhan sila ng paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act of the Philippines.
“The owner of the store, Rudy Miranda will also be charged for the same offenses although he was not present at that time,” sabi ni Distor.
Ni-raid din ng NBI ang Professional Skin Care Formula, Dr. Alvin store branch at nakumpiska ang 70 percent isopropyl alcohol, na ibinibenta sa maliliit na bote at overpriced.
“The store was raided after an informant bought 2 gallons of alcohol priced at P750, which is higher than the price set by the Department of Trade and Industry (DTI),” sabi ng NBI.
Inihahanda na ang kaso laban kina Lyndy Marollano at Annabelle Mendoza, dahil sa paglabag sa R.A. 7581 o Price Act of the Philippines.