Alden, iba pang celebs nagbabawi ng lakas habang 'naka-house arrest' | Bandera

Alden, iba pang celebs nagbabawi ng lakas habang ‘naka-house arrest’

Cristy Fermin - March 21, 2020 - 11:09 AM

ALDEN RICHARDS

TAMA ang naging desisyon namin nu’ng nakaraang Biyernes na umuwi sa aming nayon sa Nueva Ecija. Para lang kaming nakitulog at nakipaglaro sa aming mga apo dahil kinabukasan ay bumiyahe na kami uli pabalik ng Maynila.

Linggo nang umaga kasi ay implementasyon na ng community quarantine, parang may Martial Law nang bubusisiin ang mga papasok at lalabas sa NCR, malaking abala ‘yun sa mahalaga nating oras.

Kahapon nang umaga ay tumawag ang aming anak na doktor, matindi na ang paghihigpit sa aming nayon, ang mga nasasakupan ng bayan ng Quezon ay hindi na maaaring pumasok sa kalapit bayan ng Sto. Domingo.

“Kung mamamalengke ang mga tagarito, kailangang sa Quezon magpunta, bawal na sa Sto. Domingo. Malaking abala, pero tama lang, para sa proteksiyon ng lahat,” sabi ni Dok Neil.

Ganu’ng disiplina ang pinaiiral ngayon ng ating pamahalaan para sa enhanced community quarantine. Ayon kay PRRD ay kakasuhan ang mga tagapamuno ng mga bayan at barangay kapag hindi sumunod sa kautusan, kaya ang matinding paghihigpit ay mauunawaan, kahit pa may kakambal na sakripisyo ang ganu’n sa kanayunan.

Mabuti na lang at sa aming baryo nanggagaling ang mga gulay na ibinebenta sa merkado. Pagtatanim ng palay at pagbabakod (pagtatanim ng gulay) ang ikinabubuhay ng aming mga kanayon sa Visoria.

Ang bahay namin sa gitna ng bukid ay napapalibutan ng mga pananim na gulay. Masipag ang aming manugang na si Geli na beterenaryo ring tulad ng aming anak, green thumb ito, mamamatay nang pananim ay kinakaya pa nitong buhayin.

Sa dami ng aming pananim na gulay ay pangsahog na lang ang kailangang bilhin, sariwang-sariwa pa at organic, masarap mamuhay sa nayon.

Kung wala lang sa lunsod ang aksiyon ng aming trabaho ay napakasarap mamuhay sa baryo, malinis ang hangin, tahimik at ligtas ang kapaligiran.

* * *

Para na naming nakikinita ngayon kung ano ang ginagawa ni Alden Richards habang suspendido ang kanyang trabaho. House arrest din ang Pambansang Bae, nagbabawi ng lakas, dahil sa ilang taon na niyang pagtatrabaho na parang kalabaw sa dami ng kanyang mga kompromiso.

Ito ang panahong pinakahihintay ng mga artistang pinagdadamutan ng tulog at pahinga, ang magkaroon sila ng oras na kanilang-kanila lang, ‘yung sa paggising nila ay nakapag-uunat-unat pa sila dahil wala silang shooting at taping.

Tulad ni Alden, mula nu’ng 2015 ay para na siyang makina kung magtrabaho, katatapos lang niyang mag-pack-up sa show ay tumatakbo na agad siya sa airport para bumiyahe.

Wala siyang maaangkin na panahong para sa kanya lang, pampubliko ang kanyang buhay sa araw-araw, kaya siguradong ngayon ay kotang-kota na siya sa pamamahinga.

Kailangan niyang mag-ipon ng lakas dahil pagkatapos ng lockdown ay magsisimula na naman siya sa araw-gabing pagtatrabaho. Balik na naman sa dati ang ikot ng kanyang buhay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kapos sa pahinga at tulog. Walang sariling oras. Palaging naghahabol sa trabaho.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending