INABUTAN ng curfew si Bela Padilla habang nagdi-distribute ng mga pinamiling pagkain para sa mga street vendor na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Pinangunahan ni Bela ang isang online fund-raising campaign para mapakain ang mga kababayan nating naging jobless dahil sa COVID-19 pandemic. Sa loob lang ng isang araw, nakalikom ng P3.3 million ang aktres.
Naging transparent naman si Bela sa lahat ng mga nag-donate dahil talagang ipinakita niya sa social media ang ginawang pamimili at pagbabalot ng goods na kanilang ipamamahagi sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Nilinaw naman ng aktres na hindi nila iniligay sa peligro o panganib ang mga binigyan nila ng tulong sa mga pinuntahan nilang lansangan.
May mga bashers kasi na nagsabing sana raw ay ipinagkatiwala na lang nina Bela sa mga kinauukulan ang pamimigay ng tulong para maiwasan ang hawahan. Ipinagtanggol naman ng aktres ang kanilang aksyon.
Isa sa mga tweet ng aktres, “They were already on the streets when we arrived. Go complain to the government of Pasay.
“We did not endanger anyone but ourselves today, we made sure of it.”
Ngunit naloka nga lang si Bela nang abutan ng curfew sa kalye dahil medyo natagalan ang kanilang pagdi-distribute ng tulong.
“Plot twist: Inabutan ako ng curfew. Pano ko uuwi? Ha! Ha! Ha!” tweet pa ni Bela. Habang sinusulat namin ang balitang ito, wala pang ipinopost ang dalaga kung nakauwi na siya after ng curfew.