Maswerte ang mga taga-Pasig dahil magaling ang mayor nilang si Vico Sotto na ikinukumpara ngayon kay Superman.
Sabi nga namin, kung si Angel Locsin ang Darna sa showbiz, si Mayor Vico naman ang Pinoy version ni Superman.
Ayaw sana naming ikumpara si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Vico dahil sabi nga niya mas malaki ang nasasakupan niyang siyudad. Alam namin na abala rin siyang tugunan ang pangangailangan ng mga taga-QC, ang kaso kung hindi pa siya nakatikim ng matinding bashing sa social media ay hindi pa siya haharap sa briefing na ginawa nitong Miyerkules.
Nalaman ng publiko na marami na siyang nagawa, nakipag-meeting kung kani-kanino para sa facilitation ng mga barangay na may COVID-19 cases. Ang hindi lang namin maintindihan, bakit tila nahuli ang distribusyon ng hygiene kit at marami pa rin ang hindi nakatatanggap nito.
Isa pang napansin ng publiko ay ang nakalagay sa mga ipinamigay na eco bag na “Joy para sa Bayan” na may caption pang, “I decided to give this.” Ibig bang sabihin ay sa bulsa ni Mayor Joy galing ang ipinambili ng mga ipinamigay nila at hindi sa budget ng lungsod? If ever, MARAMING SALAMAT PO, Mayora.
Pero ang malaking katanungan din po sa lahat ay ang sinabi ninyong kulang kayo sa pondo para sa food packs na ipapamahagi ninyo sa mga barangay na walang trabaho sa ngayon dahil nga pinagbawalang pumasok ang karamihan dahil walang masasakyan.
Ang pagkakaalam po namin ay ikalawa ang Quezon City sa mayamang lungsod ng Metro Manila.