ISANG napapanahong pagpupugay sa frontliners ang ipinarating ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) cast sa gitna ng pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.
Naniniwala ang buong production ng DOTS PH na dapat lang tawaging mga bayani ang lahat ng medical staff at health workers na patuloy na umaalalay at tumitingin sa mga COVID-19 patients sa buong bansa.
“Saludo ang DescendantsOfTheSunPH sa mga health workers at miyembro ng militar at pulisya sa walang sawang pagbabantay sa ating kalusugan at kaligtasan. Tunay po kayong mga bayani!” ang pahayag ng lahat ng bumubuo sa DOTS.
Ito’y kaugnay na rin ng nagaganap na enhanced community quarantine sa bansa kung saan ipinatutupad ang stay at home policy para hindi na kumalat pa ang virus.
Dahil pansamantalang nahinto ang taping ng DOTS, mami-miss daw ng netizens ang kilig na hatid gabi-gabi ng mga bida nitong sina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Ultimate Star Jennylyn Mercado bilang Capt. Lucas at Dr. Maxine.
Huling napanood ang iconic earthquake scene sa serye kaya talaga namang kaabang-abang ang mga susunod na ganap sa programa! Sabi nga ng mga Kapuso viewers, bitin na bitin ang panonood nila last Wednesday kaya talagang hihintayin nila ang pagbabalik ng DOTS sa GMA Telebabad.
Samantala, muling mapapanood ang well-loved primetime series na Encantadia 2 sa timeslot ng DOTS pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Telebabad.