Krimen sa Metro bumaba nang 80% – NCRPO

AABOT umano sa 80 porsiyento ang nabawas sa bilang ng mga krimen na naganap sa Metro Manila sa unang apat na raw ng community quarantine, ayon sa National Capital Region Police Office.

“We are still collating the data, but sa last report namin, malaki, 80 percent po ang binaba ng crimes,” sabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas sa isang pulong-balitaan.

Ayon kay Sinas, dulot ito ng di paglalagi ng mga tao sa lansangan at checkpoints na isinasagawa ng pulisya bilang bahagi ng quarantine.

Marami aniya sa mga naitatala ngayon ay yaong mga nahuhuli di lang dahil sa paglabag sa quarantine rules, kundi pati yaong mga nakukuhaan ng kontrabando sa mga checkpoint.

Sa kabila nito, sinabi ni Sinas na nakarating sa kanya ang ulat tungkol sa pagpatay ng isang 74-anyos na lola sa Paranaque City.

“Robbery lang talaga ito at may person of interest na… Most likely high sa drugs yung gumawa,” anang NCRPO chief.

Sinabi ni Sinas na ilalabas nila sa susunod na linggo ang datos tungkol sa pagbaba ng crime rate sa Kamaynilaan.

Read more...