PINAGHAHANAP na ng pulisya ang isang pasyente na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na napaulat na tumakas mula sa isang ospital sa Quezon City, ayon sa opisyal ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa isang press briefing sa Kamuning police station, sinabi ni QCPD chief Col. Ronnie Montejo na base sa impormasyon mula sa Epidemiology and Disease Surveillance ng Quezon City Health Department at mga opisyal ng Quezon City, ang pasyente ay isang lalaki na nasa kanyang 50s at residente ng Barangay Tandang Sora.
“Noong binigay yung address (nung patient), nung pinuntahan ng Department of Health (DOH) officials at barangay, dineny ng mga tao na taga doon na wala silang kilalang ganong tao na nakatira doon,” sabi ni Montejo.
Idinagdag ni Montejo na nangangalap pa sila ng impormasyon kung kailan tumakas ang pasyente at saang ospital sa lungsod.
“Di pa namin alam kung paano completely nakatakas, kasi yun lang ang information na binigay sa amin,” ani Montejo.
“Aalamin natin at malalaman natin kung papaano, san siya talagang hospital nagpa-check-up. Paano siya na-declare na positive,” dagdag ni Montejo.