SA layuning mapalakas pa ang kanilang koponan sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), pinapirma ng Nueva Ecija Rice Vanguards si Gab Banal para sa ikaapat na season ng ligang suportado ng Chooks-to-Go.
Kinumpirma ito ni Nueva Ecija head coach Charles Tiu.
“It’s a very big coup for us,” sabi ni Tiu na hinawakan si Banal sa Mighty Sports at Go for Gold. “He was a former MVP in our league and is a very good leader.
“His work ethic is tremendous and he can do so many different things offensively, giving us versatility,” sabi pa ni Tiu patungkol sa 6-foot-3 swingman.
“He’s one guy we’ve always wanted and finally it can happen.”
Naglaro naman si Banal sa Bacoor City Strikers sa kanyang unang dalawang taon sa liga.
Sa MPBL Datu Cup, si Banal ay nagtala ng 18.2 puntos, 8.9 rebound at 6.4 assist para tanghaling Most Valuable Player. Nagawang makapasok ng Strikers sa semifinals bago winalis ng Davao Occidental Tigers sa South semis.
Sa Lakan Cup, si Banal ay nag-average ng 13.9 puntos, 5.9 rebound, 5.9 assist at 1.0 steal para pamunuan ang Bacoor na makapasok sa semis.
Nagtamo naman ng sprained left MCL si Banal na naging dahilan para hindi siya makapaglaro sa Game 2 at 3 ng serye ng Strikers at Basilan Steel. Nagwagi ang Steel sa nasabing serye para umusad sa division finals.
Nagpasalamat naman si Banal sa Bacoor City sa dalawang taon niya sa koponan.
“Thank you for two great years of fun memories and experiences,” sabi ng 29-anyos na si Banal. “Thank you Chaye Cabal-Revilla and Cong. Strike B. Revilla for treating me as your own. Thank you to the awesome people of Bacoor for your undying support. Bacoor City will always be in my heart.”
Makakasama naman ni Banal ang magkapatid na Gomez de Liaño na sina Juan at Javi pati na si Renz Palma sa Nueva Ecija.
Nagtala ang Nueva Ecija ng 10-20 record sa 2019-20 Chooks-to-Go MPBL Lakan Season kung saan nagtapos sila sa 11th spot sa Northern Division.