Ping Lacson kay Vico Sotto: He is the best gift ever to Pasig City

DALAWANG Presidente pa ang mamumuno sa Pilipinas bago puwedeng kumandidato sa pagka-Pangulo si Pasig City Mayor Vico Sotto. 

IIsa ang isinisigaw ng mga Pinoy ngayon — puwedeng-pwede na raw tumakbong Presidente sa susunod na eleksyon si Vico dahil sa ipinapakita nitong effort sa pangangalaga sa mga taga-Pasig habang nakikipaglaban ang buong bansa sa coronavirus disease o COVID-19.

“Man of the hour” ngayon si Mayor Vico dahil as early as March 12 ay may mga precautionary measures  na siyang ginagawa sa Pasig para labanan ang COVID-19, kabilang na ang pag-disinfect sa lungsod.

Pinalagyan din ng sanitation tents ang lahat ng public hospitals at ang city hall. Personal din niyang binisita ang 10 checkpoints sa Pasig para makita kung ano pa ang mga kailangan doon 

Kaya naman nu’ng ianunsyo na ang community quarantine ay ilang steps ahead na ang Pasig kumpara sa ibang lungsod sa Metro Manila.

Nauna ring nag-anunsyo ang batang alkalde ng Pasig na lahat ng empleyado niya ay tuloy ang suweldo, “Sa mga kawani ng ating lokal na pamahalaan. ‘Wag kayong mag-alala, tuloy-tuloy kayong makakatanggap ng buong sweldo —kahit ‘yung mga Job Order na no work no pay.”

“Gagawan natin ng paraan. Basta, mag-ingat, at hangga’t maaari sa bahay lang muna kayo. Sa mga empleyado namang nasa frontlines, meron kayong hazard pay, OT, at iba pang benepisyong maaasahan,” aniya pa.

May nag-post din sa social media ng ipinatayong mobile kitchen ni Mayor Vico para sa health workers at ang pamimigay nila ng pagkain sa mga residente.

Joke nga ng netizens, sana raw ay may clone si Mayor Vico para sa ibang lungsod ng Metro Manila na mabagal ang serbisyo.

Anyway, nagbigay naman ng saloobin niya si Sen. Ping Lacson sa performance ni Vico bilang public servant.

Ipinost ng senador ang litrato ng batang mayor na nagdi-distribute ng medical supplies na may caption na, “Sayang he is only 29-years-old, not 39. If there is any consolation, he is the best gift ever to Pasig City.”

Hindi man niya binanggit ang rason kung bakit nanghinayang siya na 29 pa lang si Mayor Vico ay malinaw ang mensahe na naniniwala siyang pwedeng kumandidato bilang Presidente ng bansa ang binata.

Read more...