Matapang at mapagmalasakit sa kanyang kapwa si Christopher de Leon. Sa halip na ipaglihim ang kanyang sitwasyon ay inamin niya sa publiko na kinapitan siya ng COVID-19.
Sa isang tulad ni Boyet na sikat na artista ay hindi simple ang ginawa niyang pagtatapat. Natural lang na makaramdam siya ng pangamba at takot na baka iwasan na siya kapag inamin ang totoo, pero ang mas namayani sa magaling na aktor ay ang pagtanggap sa katotohanan, kasabay ang pag-alarma sa mga taong nakasalamuha niya sa loob nang labing-apat na araw.
Ganu’n ang sistema, lahat ng mga taong nakasama niya nang malapitan sa loob nang dalawang linggo ay kailangan ding sumailalim sa quarantine, sila ang mga tinatawag na PUI.
Inatasan na ng ABS-CBN ang buong cast ng seryeng Love Thy Woman na sumailalim sa 14-day quarantine dahil sa naganap kay Boyet de Leon na isa sa mga bumibida sa palabas.
Susuporta ang kanilang network sa kanilang mga pangangailangan, hindi sila pababayaan, kasama sa cast ng serye sina Kim Chiu, Eula Valdez, Yam Concepcion, Xian Lim, Sunshine Cruz, Zsa Zsa Padilla at iba pa.
Wala talagang pinipiling estado sa buhay ang malaganap na virus, ibayong pag-iingat ang ating kailangan, harinawang matapos na ang nakatatakot at nakalulungkot na indultong ito sa ating bayan.