‘Sana’y tangayin na ng hangin sa ibang planeta ang COVID-19’

NAKAKAPANIBAGO na nakalulungkot. ‘Yan ang bumabalot na pakiramdam ngayon ng buong bayan lalo na ng mga naninirahan sa NCR na sanay na sanay sa aksiyon.

Naninirahan kami sa Valenzuela, pero pakiramdam nami’y nasa isang napakalayong lugar na kami sa kabundukan, dahil sa sobrang katahimikan sa aming komunidad.

Matutok si Mayor Rex Gatchalian, sanay na sanay na sa maraming giyera ang aming mayor, halos hindi na siya namamahinga sa panay-panay na pagbisita sa mga barangay sa aming siyudad.

Wala nang rasyon ng mga pahayagan, ayon sa pinagkukunan namin ng diyaryo araw-araw ay hindi na sila makadaan sa NLEX at maging sa McArthur Highway, hinaharang sila ng mga otoridad.

Mabuti na lang at may telebisyon at social media, hinto man sa pagtatrabaho ang mga artista para makaiwas sila sa matinding banta ng COVID-19 ay may napagkukunan pa rin ng mga balita tungkol sa lokal na aliwan, kung wala ay ewan na lang kung ano na ang mangyayari sa aming hanapbuhay.

Patuloy pa rin ang aming panalangin na sana’y tangayin na ng hangin sa ibang planeta ang kinatatakutang virus sa buong mundo.

Ipagpatuloy ang disiplina sa kalinisan, huwag katamaran ang paghuhugas ng mga kamay, kambalan na rin natin ‘yun ng pagpapatibay sa ating sistema sa pamamagitan ng mga wastong pagkain at madalas na pag-inom ng juice, nasa ating mga kamay ang pagdedesisyon para makaiwas tayo sa COVID-19.

Read more...