Work from home: Ligtas ang buhay

UNANG lumabas ang mga katagang “work from home” noong kasagsagan ng terorismo lalo na sa ilang bahagi ng Europa, mga ilang taon na ang nakararaan. Ginawa ito ng mga pamahalaan sa Europe para sa kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.

Nitong nakaraang taon, isang ganap na ring batas sa Pilipinas ang pagsusulong ng pagtatrabaho sa mga tahanan. Ito naman ay upang maiwasan ang matinding problema sa trapiko at kakulangan ng mass transportation.

Pero sa pagtatapos ng taon, pumutok ang nakamamatay na coronavirus at ngayon ay tinatawag itong Covid-19 ng World Health Organization (WHO) na nagsimula sa Wuhan, China. At sa pagpasok ng 2020, lumaganap nga ang COVID-19 at idineklarang pandemic ng WHO.

Sino nga naman ang mag-aakala na ganoon kabilis ang magiging takbo ng mga pangyayari.

Halos huminto ang buhay ng tao. Ang dating normal, hindi na ngayon normal.

Binalot ng takot at panic ang tao. Literal na huminto ang mga biyahe. Kundi man nalimitahan, maraming mga bansa ang tuluyang nagkansela ng mga biyahe papasok at palabas ng kani-kanilang mga bansa.

Apektado ang pandaigdigang ekonomiya. Lockdown ang maraming mga bansa. At tiyak namang apektado ang lahat ng ating mga OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kinatakutan nilang bumalik ng Pilipinas dahil sa maaaring pagkawala ng trabaho at pagkakakitaan.

Mayroong hindi rin humintong magtrabaho dahil sa polisiyang “no work, no pay”. Lalong hindi inasahan ng mga Pilipino na ilalagay sa ilalim ng “community quarantine” ang Metro Manila at isang araw pa lamang ang nakalilipas nang muling ianunsiyo ni Pangulong Duterte ng gawin itong Luzon-wide.

Upang manatili na lamang sa kanilang mga tahanan ang tao at masawata ang mabilis na pagkalat ng virus at panghahawa nito, kung kaya’t ipinatutupad na ngayon ang kaayusang “work from home”.

Maraming salamat sa makabagong teknolohiya. Dahil sa mabilis na internet connection, nagagawa na ng tao ngayon ang makapagtrabaho kahit saan man sila naroroon.

May mga OFW nga tayong nakiusap na rin sa kanilang mga employer na sa palagay naman nila ay puwedeng magtrabaho mula sa kanilang mga tahanan kung kaya’t nais na rin nilang bumalik ng Pilipinas na kasama pa ang pamilya.

Talagang ito ang panahon na puwede nating samantalahin ang galing ng technology para sa mas kapakinabangan ng marami.

Hindi lang yun, sa panahon na hindi puwedeng lumabas ang tao, stay at home ang panuntunan, laking pasalamat na lamang nila na may Internet na, dahil hindi na ‘anya nakababagot ang manatili sa bahay bukod pa sa puwedeng- puwede pa pala silang kumita sa kabila ng pagharap sa matinding mga krisis. Na dati ay hindi puwede.

***

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM at napapanood sa Inquirer Television (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

 

 

Read more...