Aquinos burahin sa P500

HINDI ka pa ba natatauhan sa kapalpakan ng gobyerno sa pamumuhay? Huwag patawarin ang kanilang kasalanan. Iyan ang Pagsasagawa sa Ebanghelyo (Mik 7:14-15, 18-20; Sal 103:1-4, 9-12; Lc 15:1-3) sa araw ni Santa Matilda, Sabado sa ikalawang linggo ng taon.

***

“Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan? Sumagot sila: Ang Cesar. At sinabi Niya sa kanila: Kung gayon, ibigay kay Cesar ang para kay Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Mt 22:20. Nagalit ang ilang nakapila sa kahera sa isang ospital sa North Caloocan habang naka-community quarantine na ang Metro Manila bunsod ng Covid-19. Bukod sa ngalit sa Covid, nakangiti pa sa kanila sina Corazon Aquino at Benigno Simeon Aquino III sa P500 pera. Iniinsulto tayong mahihirap ng ngiti ng mag-inang Aquino, ang dalawang salot sa pamumuno ng Pinas. Si Corazon ang presidenteng iniluklok ng nag-alsang militar, sa pangunguna nina Enrile’t Ramos. Pekeng presidente. Si Benigno naman ang nagpatalsik, kaya namatay, kay Chief Justice Renato Corona, na “nagbabalik” bilang virus; at nagpakulong kay Gloria Macapagal Arroyo.

***

Kay Cesar, kay Cesar. Ibigay sa nga Aquino ang para sa kanila? At sa Diyos ang para sa Diyos. May dugo ang kamay ng mga Aquino sa Mendiola at Luisita massacres. Wala pang hustisya ang mga nabalo’t naulila. Ngingitian lang ng mga Aquino? Ang dalawang Aquino ay aso ng Kano, na hindi naman talaga sila tinulungan bagkus ay inonse pa. Ang pakikialam ng Clark sa kudeta kay Corazon noong Disyembre 1989 ay para protektahan ang malalaking base militar ng Kano, na di napigilan ni Cory na mapatalsik nang magpasya ang kanyang mga galamay sa Senado (pero ang VFA ay inilagay ni Benigno, na di naman siya tinulungan sa Kalburo ng mangingisdang Ilokano’t Panga sinense).

***

Sa pananalasa ng Covid-19, nakiayon ang simbahang Katolika, pero di naman sinunod ang karamihang “bawal” sa mga parokya’t kapilya sa mga lalawigan (tulad ng Aurora’t northeastern Bulacan). Walang masabi sa mga ginawa ni Duterte ang mahihirap pero minumura nila si Duque. Anong virtud ba meron si Duque na wala ang magagaling na sina doctors Leachon at (Willie) Ong? Hasler ang tingin ng matitino kay Duque, na kayang “maglingkod” sa sinumang presidente, tsonggo man o kalapati. Maging ang kasong kriminal na Dengvaxia ay nahihiya kay Duque.

***

Maraming mahihirap ang natataranta sa Covid-19. Pero, ayaw naman nilang aminin na ang “taranta” ay bunsod ng kanilang katangahan sa balita: ayaw makinig sa radyo, manood ng news TV at magbasa ng Inquirer Bandera, at iba pang pahayagan, tab o broad. Malinaw pa sa sabaw ng tinolang manok na nataranta si Duque sa pananalasa ngayon ng Covid-19. Pero, malabo naman sa sabaw ng pusit ang kanyang mga pahayag, na tila ginaya lang ang Dengvaxia declarations sa Senado’t Kamara. Mas masipag pa sana si Duque ngayon, kesa noon. Pero, di ba nakahahalata si Duterte na pinaiikutan na lang siya ng bisero?

***

Bakit kapag sikat(chupoy) ang nagka-Covid ay nasa media agad at ang mahihirap na nasa iskwater at resettlement areas ay hindi inilalathala kahit blind item man lamang? Nakadidiri ba ang nasa iskwater at resettlement areas, gayung wala naman silang ketong na hindi pinandirihan ni Jesus? Bakit kapag superyaman at tanyag sa politika ay itinatago na parang may tulo, gayung bumuyangyang naman si Kris? News ba talaga ang Covid-19 at hindi news ang tinamaan nito? Privacy? Bakit si Tom Hanks?

***

Sa mga liblib na lugar sa Dilasag, Aurora, hindi natatakot ang mahihirap sa trangkaso Covid. Kaya nila ito dahil mas maraming gulay ang kanilang kinakain araw-araw. At mag-uulam lamang ng karne kapag may okasyon. Pero, unti-unting nawawala ang karneng baka. Okey lang naman daw dahil kung may malaking problema ang Metro Manila, ligtas pa rin sila sa simple at payak na pamumuhay.

*** UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Encanto, Angat, Bulacan): Kapag matanda na ay di na kasali sa pag-aaral? Mali. Ang pag-aaral ay patuloy na edukasyon at walang edukasyon kapag di na ipinagpatuloy ito.

Kaya nga maraming matatanda ay tanga. Di na mahirap ang mag-aral ngayon dahil may mga lokasyon sa Internet na hayagang nag-aalok ng kaalaman, sa ayaw man at sa gusto ni lelong. Bakit maraming kabataan ang nag-aaral ng paggawa ng bomba?

***

PAGBABAHAGI sa NilaYan (San Roque, Angat, Bulacan): Kahit mahihirap ay may gadget o laptop. Hindi pala sila naghihirap. Pero, mahihirap ang tagarito. Magsasaka. Driver, atbp. Hindi na ngayon. Nakatutuwa na ang maliliit ay malalaki’t mayayaman na rin sa makabagong tech at Internet. Ayon sa umpukan, naibsan na ang kahinaan ng mahihirap at may sumisikat na blogger na rin mula rito. May naipagyayabang na ang mahihirap dito. Pero, ang di magandang kaakibat: ginagamit ang social media sa tsismisan. High tech na nga.

***

PANALANGIN: Tulungan Mo akong umiwas sa lahat ng labis at di makabubuti sa aking kalusugan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.

***

MULA sa bayan (0916-5401958): Noong bata pa kami, gusto naming magpunta sa Maynila. Ngayon, ayaw na namin. May sakit din dito, kukuha pa kami ng sakit sa Maynila? …7860, ng Bongabong, Pantukan, Davao de Oro

 

 

Read more...