NAPURUHAN nang todo si Noli de Castro sa ginawang pagtatanggol na netizens kay Pasig City Mayor Vico Sotto sa gitna ng problema ng bansa sa coronavirus disease 2019 pandemic.
Hindi nagustuhan ng madlang pipol, lalo na ng mga taga-Pasig at tagasuporta ng alkalde ang naging comment ni Kabayan sa TV Patrol hinggil sa ilang desisyon nito sa paglaban ng Pasig kontra COVID-19.
Nag-ugat ang issue sa pagpayag ni Vico na bumiyahe ang mga tricycle sa ilang lugar sa Pasig kahit ipinag-utos na ng pamahaalan na hindi na pwedeng pumasada ang lahat ng klase ng public utility vehicles sa NCR.
Kahapon, ipinalabas sa TV Patrol ang interview kay Vico kung saan umapela ito sa mga kinauukulan para sa mga tricycle drivers ng Pasig City na tiniketan dahil sa pagpasada sa kani-kanilang lugar.
“Nakikiusap po ako sa ating nasyonal na pamahalaan. Baka naman po puwedeng bigyan ng konsiderasyon yung tricycle.
“Hindi na po para sa tricycle driver, hindi na po para sa tricycle driver. Para po sa public health and safety.
“Dahil ako po, sa risk assessment na ginawa namin, kapag hindi po natin pinayagan ang mga tricycle, mas marami pong mamamatay,” pahayag ni Mayor Vico.
Pagtatanggol pa niya sa mga ito, “Iyong mga kailangan magpa-dialysis, yung mga post surgery po na kailangan po pumunta ng ospital.
“Paano po sa Manggahan nakatira, nasa PCGH (Pasig City General Hospital) yung doctor niya? Nandun yung medical records niya? Paano siya pupunta dito?” aniya pa.
At bago nga matapos ang report ni Jeff Canoy, nagbigay ng comment si Kabayan na may mga bus naman daw na inilaab ang gobyerno para magamit ng iba’t ibang lungsod ng Metro Manila.
Baka raw kasi gayahin pa ito ng iba at makadagdag lang sa problema ng pamahalaan. Ayon sa netizens, okay lang sana ang pahayag ng news anchor pero may hirit pa itong “baka hindi alam” ng alkalde ang tungkol sa mga designated bus.
At dahil nga rito, binanatan si Kabayan ng mga supporters ni Vico dahil parang pinalalabas nitong walang alam ang mayor samantalang halos bumaha na nga ng papuri para sa kanya mula sa publiko.
May ilang netizens pa nga ang nagkomento na di hamak namang mas magaling na public servant si Vico kesa sa kanya kahit pa noong umupo ito bilang vice president ng bansa taong 2004 (hanggang 2010).
Sabi naman ng iba tila may halong inggit ang patama ni Noli de Castro kay Vico dahil nga mabangung-mabango ang pangalan nito sa buong bansa bilang super hardworking mayor ng Pasig City.