“HUWAG na tayong mag-away-away!” Yan ang panawagan ni Vice Ganda sa gitna ng pagrereklamo ng mga manggagawang Pinoy sa ipinatutulad na enhanced community quarantine sa bansa, lalo na sa Metro Manila dahil sa coronavirus disease pandemic.
Sa kabila kasi ng istriktong kautusan ng pamahalaan sa mga tao na huwag nang lumabas ng bahay para hindi na madagdagan pa ang bilang ng COVID-19 case sa bansa ay marami pa rin ang nagpupumilit na makalabas at ituloy ang kanilang pagtatrabaho.
Ayon sa mga ordinaryong manggagawa, hindi sila kakain at ang kanilang mga pamilya kung titigil sila sa pagkayod. Buti raw sana kung araw-araw silang pakakainin ng gobyerno. Ito’y sa kabila nga ng paulit-ulit na paniniguro ng Duterte administration na ginagawa nila ang lahat para matugunan ang pangangailangan ng bawat Pinoy, lalo na ng mga mahihirap.
Isa si Vice Ganda sa mga celebrities na umapela sa madlang pipol na maging mahinahon at huwag maging padalus-dalos sa mga gagawing aksyon.
Aniya sa kanyang post sa social media, “Wag tayong mag away away. Lalong lalo na sa panahong ito. Di makakatulong.
“Wag tayong magsalita na parang tayo lang ang tama, ang matalino at magaling. Wag tayong umasta na parang tayo lang ang may pagmamahal at malasakit sa kapwa, sa bayan at sa mundo.”
Hirit pa ng TV host-comedian, “Sa oras na to naniniwala ako na lahat tayo ay pareho lang ang intensyon. Yun ay ang makaraos at makatulong sa sitwasyon kahit papaano.
“SADYANG MAGKAKAIBA LANG TAYO NG MGA PARAAN AT ATAKE. Lahat tayo ay nagdadasal na matapos na ang krisis na ito.”
Pagpapatuloy pa niya, “Hindi lang sa mga ‘walang makakain’ tayo dapat may compassion. Dapat sa lahat. OO SA LAHAT. Pati sa mga pinaparatangan nating walang compassion. Pahabain natin ang pang unawa sa isat isa.”
Nagbigay pa siya ng warning sa lahat ng mga nagrereklamo, “The more na nagagalit tayo mas humihina ang ating immune system. CALMNESS IS STRENGTH.”
“CEASEFIRE muna tayo sa patalinuhan at pabobohan. Kahit mawala ang virus kung magpapatayan naman tayo e wala ring makakasurvive.
“Hingang malalim. Gawing donasyon ang PANG UNAWA.
“GOD BLESS EVERYBODY. This too shall pass.”