Sigaw ng madlang pipol kontra virus: COVID-19 ka lang, Pinoy kami!

 

NAPAKAHIRAP mabuhay sa ganitong sitwasyon. Nakakapanibago. Nakalulungkot. Enhanced community quarantine ang dahilan para maiwasan ang mabilisang pagkalat ng COVID-19.

Positibong kautusan para sa kaligtasan ng mayorya, pero mahirap basta-basta yakapin ang ganitong senaryo, balot sa takot ang mga kababayan nating mas naniniwala sa fake news.

Parang ghost town ngayon pati ang mga network, mabibilang lamang ang mga pumapasok nilang empleyado, nagbuo lang sila ng skeletal staff para sa pagpapatakbo ng kanilang programming.

Live na sumasahimpapawid ang Unang Hirit, pero sumusunod sila sa social distancing, may isang metrong pagitan ang kanilang mga hosts sa pagbabalita.

Ang Umagang Kay Ganda ang paralisado, DZMM ang nakaere tuwing umaga, isang host lang ang nasa booth ng istasyon sa pagtatawid ng kanilang mga balita at panayam.

Ganu’n din ang TV5, wala nang live shows ngayon, news lang ang regular na umeere at skeletal staff lang din ang namamahala sa lahat ng programa.

Talagang nakakapanibago ang kaganapan, kahit ang mga pahayagan ay parang karayom sa dayami bago ka makakita, hindi na regular ang rasyon dahil nahaharang daw sila.

Lalong naging mahirap ang sitwasyon nang ipagbawal na ang mga sasakyang pampubliko, masuwerte ang mga kababayan natin na may mga kotseng magagamit sa kanilang mga lakad, napakaluwag ng kalye.

Read more...