Habang nasa bahay lang kami ay babad ang aming panonood ng mga programa sa telebisyon dito at sa iba-ibang bansa.
Ayon sa balita ay itinuturing nang person under monitoring dahil sa COVID-19 si Baste Duterte, nag-self quarantine na ang bunsong anak ng pangulo, tulad ni Mayor Sara na hindi na nagpa-check dahil pinaniniwalaan nito ang 14-day incubation ng virus.
Nakalabas na ng ospital sa Australia ang mag-asawang Tom Hanks at Rita Wilson, naagapan ang kanilang sitwasyon, ligtas na sila sa kinatatakutang paglala ng kanilang kalagayan.
Ang buong Amerika ay nahihintakutan na rin dahil sa mabilisang pagdadagdag ng numero ng mga may COVID-19.
Napakarami nang ipinagbabawal sa kanila, total lockdown din ang maraming siyudad, kaya kaliwa’t kanang tensiyon ang mapapanood sa pagitan ng mga Puti at ng mga nakatalagang pangalagaan ang kanilang bansa.
Simple pa ang mga argumentong napapanood natin sa mga news programs dito sa pagitan ng mga kapulisan at ng ating mga kababayan. Walang suntukan at pagmumurahan.
Isang buwan o higit pang magtatagal ang enhanced community quarantine. ‘Yun ang matinding problema ng mga kababayan nating walang trabaho ngayon dahil no work, no pay sila.
Pero ibang lahi ang Pinoy, matapang tayo sa pagharap sa mga ganitong paghamon, kaya sa social media ay makikita natin, “COVID-19 ka lang! Pinoy kami!”
Positibo!