At tumigil ang mundo…

OBVIOUS naman na hindi lang ang mga nahawa ng coronavirus disease 2019 ang apektado ng sakit na ito.

Ngayon ay nakatuon ang atensyon ng gobyerno para hindi kumalat ang CoViD-19.

Noong umpisa ay hindi pa masyadong ramdam pero nagbago ang lahat nang magpatupad ng community quarantine simula noong Linggo.

Marami ang na-late at hindi nakapasok sa trabaho dahil sa haba ng pila ng mga sasakyan at walang masakyan. Pag uwi ng mga nakapasok at hindi nakapasok ay ganoon din ang kanilang sinapit.

Bago pa ang mga ito, may mga pabrika na walang gawa. Sa China, kung saan nagsimula ang CoViD-19, ay huminto ang operasyon ng maraming pabrika.

May nakita pa akong post sa Facebook, luminis daw ang hangin doon dahil sa tigil operasyon ng maraming pabrika. At dahil tumigil ang pabrika nila, ibig sabihin ay may mga produkto na hindi nagawa. Mayroong mga kompanya sa Pilipinas na kumukuha ng piyesa sa China kaya apektado sila, bumagal ang kanilang production.

May mga kompanya na hindi mailabas ang kanilang mga shipment sa Bureau of Customs. May mga raw materials pala na insured at maaari lamang buksan ang container van na pinaglagyan nito sa harap ng representative ng binilhan at nag-insure.

Kung wala nga naman sila baka sabihin nasira sa biyahe kahit na ang umorder na ang nakasira.

Ang problema ay ‘yung mga nag-insure at pinagbilhan ng raw materials gaya ng tela ay hindi makapunta sa bansa. Walang biyahe galing sa China kaya paano sila makakapunta rito.

Yung mga kompanya na walang production ay gumagawa ng paraan para mabawasan ang kanilang gastos at isa sa tinatamaan ay ang mga empleyado. Bawas trabaho, bawas sweldo.

At kahit naman ‘yung mga kompanya na hindi tumigil ang produksyon ay problemado rin. Bukod sa pagkain, alkohol at facemask ang mabili ngayon kaya hindi napapansin ang kanilang produkto. Walang benta, kaya walang kita.

Isa pa palang mabenta ay ang mga vitamins. Kung dati ay nagbebenta sila ng may free, halimbawa bili ka ng 100 capsules may free na 50 capsules, ngayon nawala na ‘yung free.

Ang mga mall ay nagsara na rin. Walang sine at walang department at ‘yung mga restaurant ay nagsara na rin, tutal wala marami ang nag-home quarantine kaya wala ring kustomer.

Kung meron mang naramdaman na positibo ang mga Pilipino sa COVID-19, ito ay bumaba ang presyo ng gasolina at diesel. Mahigit sa P4/litro ang ibinaba. Kaya lang hindi naman pwede gumala.

 

 

Read more...