INATASAN ng Palasyo ang Bureau of Customs (BOC) na payagang i-release na ang mga nakatenggang face masks sa mga bodega para magamit sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa isang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na dapat umaksyon na ang BOC sa bulto-bultong face masks na natutulog lamang sa mga bodega imbes na mapakinabangan ng mga Pinoy.
“We are now calling the Commissioner of Customs to release it immediately kung iyan lang ang problema. Baka mayroon lang requirement silang hinihintay pero we will urge him to facilitate the release of these supplies,” sabi ni Panelo.
Ito’y matapos na mismong si Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin ang nagsiwalat na maraming suplay ng face masks ang hindi mapakinabangan dahil natutulog sa mga bodega ng BOC.
Sa kasalukuyan wala pa ring mabiling face masks sa mga drug store dahil sa kawalan ng suplay sa kabila ng paghikayat ng mga otoridad na magsuot ng face masks ang lahat bilang proteksyon sa COVID-19.