DAHIL sa paglaganap ng kinatatakutang COVID-19 ay biglang nagbago ang lahat ng aspeto ng buhay ng mga Pinoy. Umuwi kami sa aming nayon sa Nueva Ecija nang Biyernes nang gabi.
Parang nakitulog lang kami du’n dahil Sabado nang hapon ay kinailangan na naming bumalik sa Maynila para hindi kami abutan ng checkpoint nang Linggo nang umaga dahil sa community quarantine.
Sa unang pagkakataon ay bimiyahe kami nang pagkatagal-tagal pabalik sa Maynila. Ang distansiyang kinukuha lang namin nang tatlong oras na ang pinakamatagal ay naging halos limang oras dahil punumpuno ang NLEX.
Naipon ang mga motorista mula sa Norte paluwas ng Maynila, nandu’n ang kanilang takot dahil sa lockdown, usad-pagong ang mga sasakyan sa sobrang dami.
Pati ang mundo ng telebisyon ay nagbago na rin. Nagdesisyon ang ABS-CBN at GMA-7 na ipatigil muna ang taping ng kanilang mga serye, wala munang magtatrabaho, para sa kaligtasan ng kanilang mga artista at ng buong produksiyon.
Wala munang mapapanood na mga teleserye ngayon, puro mga dating serye at pelikula ng ABS-CBN ang ipalalabas, bilang pagsunod sa protocol ng DOH na bawal ang pagtitipun-tipon ng mga grupo na maaaring pag-ugatan ng COVID-19.
Nakakatawa ang komento ng ating mga kababayan na sangdamakmak na raw ang nagtangkang tumalo kay Cardo Dalisay, pero lahat ay bigo, pero sa COVID-19 ay walang nagawa si Coco Martin.
Komento ng aming kausap, “May tatalo rin naman pala kay Cardo Dalisay, walang baril na kailangan, walang upakan, tihaya siyang bigla kay COVID-19!”
Kailangan nating tanggapin ang senaryo, dapat lang tayong sumunod sa kautusan ng DOH at ng pangulo, para sa kapakanan ng mayorya nating mga kababayan.