BIRU-BIRUAN ngayon sa social media ang karakter ni Coco Martin sa Kapamilya series na Ang Probinsyano na si Cardo Dalisay.
Isa ang teleserye ni Coco sa mga programa ng ABS-CBN na pansamantala munang hindi mapapanood simula ngayong gabi dahil na rin sa problema ng bansa sa coronavirus disease o COVID-19.
Pinatigil na kasi ng management ang taping ng lahat ng teleserye ng network bilang bahagi na rin ng pag-iingat para hindi na kumalat pa ang COVID-19 sa gitna ng pagpapatupad ng pamahalaan sa “community quarantine” sa buong Metro Manila.
Ayon sa comments ng mga netizens, hindi raw umubra ang pagiging “imortal” ni Cardo Dalisay sa COVID-19 dahil ang nasabing virus lang pala ang magpapatigil sa paglaban niya sa mga sindikato at kriminal sa kuwento ng Probinsyano.
In fairness, limang taon nang napapanood ang seryeng Ang Probinsyano ni Coco at mukhang wala pang balak ang ABS-CBN na tapusin ito. Pero nang dahil nga sa coronavirus magpapahinga muna si Cardo Dalisay sa paglaban sa kriminalidad.
Kung may negative effect ang pagkansela sa mga teleserye ng ABS-CBN, siguradong may positibong epekto naman ito kay Coco na after five years ay mabibigyan din sa wakas ng mahaba-habang pahinga.
Bukod sa Probinsyano, hindi na rin mapapanood sa mga susunod na araw ang iba pang teleserye sa primetime block ng ABS-CBN.
Simula ngayong araw, Marso 16, muling ipalalabas ng ABS-CBN ang mga teleseryeng minahal ng mga Pilipino at isang iWant original series para pumalit sa mga programa ng network sa gabi.
Narito ang opisyal na pahayag ng Kapamilya Network hinggil sa pagbabago sa kanilang programming.
“Ang Pamilya Ko ay papalitan ng teleseryeng 100 Days to Heaven nina Coney Reyes, Jodi Sta. Maria, at Xyriel Manabat para magbigay ng inspirasyon sa mga manonood.
“Magbabalik naman si Bro sa primetime sa May Bukas Pa kasama si Zaijian Jaranilla bilang kapalit ng FPJ’s Ang Probinsyano.
“Ang Make It With You ay papalitan ng hit romantic comedy series nina Nadine Lustre at James Reid na On The Wings of Love.
“Ang A Soldier’s Heart ay papalitan ng mystery thriller na I Am U, ang iWant original series ni Julia Barretto, mula Marso 16 hanggang 20.
“Tinitiyak namin sa aming mga manonood na pansamantala lamang ang mga pagbabagong ito. Ibabalik namin ang regular programming ng ABS-CBN kapag bumuti na ang sitwasyon at sigurado kaming hindi malalagay sa alanganin ang kaligtasan at kalagayan ng lahat.
“Ang mga paborito nating teleserye ay patuloy na magbibigay ng pag-asa at inspirasyon sa inyo, mga minamahal naming Kapamilya.”
* * *
Rest, rest din muna ngayon ang mga Kapuso stars dahil sinuspinde na rin ng GMA ang taping ng kanilang entertainment show kabilang na ang mga teleserye sa gitna na rin ng banta ng COVID-19.
“In accordance with the government’s declaration of a community quarantine in Metro Manila and as part of the measures that the Network is doing to ensure the safety and well-being of its talents, production teams, employees, their families as well as the general public, GMA will be temporarily suspending the production of Network-produced entertainment programs.
“The Network has also advised its blocktimers and co-producers to comply with the community quarantine guidelines. GMA will continue to air fresh, pre-taped episodes of some shows and thereafter, a new programming line-up is in store for all Kapuso viewers in the coming days,” bahagi ng official statement ng GMA.