IPINATIGIL na muna ng ABS-CBN ang mga live entertainment programs ng network pati na ang taping ng mga teleserye simula ngayong Linggo, March 15, 2020.
Ito’y bilang pagtugon na rin sa annoucement ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa “community quarantine” ang buong Metro Manila dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Ibig sabihin hindi na muna mapapanood sa telebisyon ang mga live entertainment shows ng ABS-CBN kabilang na ang Showtime, ASAP Natin ‘To at iba pa. Kanselado na rin ang pagpapalabas ng bagong show ni Vice Ganda na magsisimula na sana bukas, ang Everybody Sing.
Narito ang official statement ng ABS-CBN:
“Pansamantalang ititigil ng ABS-CBN ang pagtatanghal ng mga live entertainment show at taping ng mga teleserye nito simula Linggo (Marso 15) bilang pagsunod sa deklarasyon ng pamahalaan ng community quarantine at pagbabawal ng pagtitipon nang maramihan upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“Ginagawa ito ng kumpanya para sa kaligtasan at kalusugan ng aming mga artista, crew, production teams, ang kanilang mga pamilya, at ang publiko.
“Habang ito ay ipinapatupad, patuloy ang ABS-CBN na maglilingkod sa mga manonoood sa paghahatid ng mga kinagiliwang palabas na magbibigay ng inspirasyon, pag-asa, at sigla.
“Makakaasa ang publiko na patuloy na ihahatid ng ABS-CBN ang pinakahuling balita at impormasyon sa aming newscasts sa TV at radyo, pati sa digital, lalo na sa panahon ngayong may public health crisis ang bansa.
“Nagpapasalamat kami sa aming mga Kapamilya para sa kanilang pag-unawa at patuloy na suporta.”