Aktres sobrang ma-pride, ayaw pa ring makipagbati sa nakagalit na kapamilya

PINAGKUWENTUHAN sa isang malaking umpukan ang sobrang taas ng pride na pinaiiral ng isang kilalang female personality. Opinyon ng marami sa grupo ay siya ang dapat magpakita ng pagpapakumbaba at hindi ang taong may malaking tampo sa kanya.
Meron na palang mga namagitan para sila magkasundo pero walang pinakikinggan ang mas batang babaeng personalidad. Pagod na ang kanilang mga kaibigan sa kapapakiusap sa kanya.
Kuwento ng isang source, “Matindi nga siguro ang pinagkagalitan nila ng taong napakalapit sa buhay niya. Imagine, kahit ang mga veteran stars na malapit sa family nila, e, nabigo!
“Ilang beses nang may nagsabi sa kanya na wala namang masama sa pagpapakumbaba, hindi naman ‘yun makababawas sa pagkatao niya, pero hindi pa rin niya pinakinggan ang beteranang personality na nagpayo sa kanya.
“Marespeto naman ang pagtanggi niya, wala naman siyang hindi nirespeto, talagang hindi pa raw siya handang makipag-meet halfway sa taong matagal na niyang hindi nakikita at nakakausap,” unang sultada ng aming chikadorang source.
Matagal na ‘yung panahong nagkita sila ng katampuhan niya. Isang kapamilya nila ang kailangan nilang puntahan, nagkita sila du’n, pero parang wala rin namang nangyari.
Patuloy ng aming impormante, “Ang akala nga ng mga kaibigan ng family nila, e, ‘yun na ang right time, nandu’n na kasi sila, pero wala ring nangyari.
“Maraming tao sa place, pero nagkani-kanya sila ng lugar, halos hindi nga sila nag-uusap, para bang hindi sila magkakilala? Naiintindihan naman ng mga friends ng girl kung bakit ganu’n siya ka-cold sa babaeng katampuhan niya.
“Matindi nga ang reason ng hindi nila pagkakasundo, mabait naman kasi ang female personality, marunong naman siyang mag-sorry kung kinakailangan.
“Hanggang kasama pa rin ng taong hindi niya kasundo ang isang taong tunay na dahilan ng kanilang away, e, wala pa rin tayong maaasahang pagkakasundo nila.
“Bigyan na lang natin ng balot ang female personality, baka kapag nakakain na siya nu’n, e, biglang magbago ang isip niya,” napapailing na kuwento ng aming source.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, siguradong hindi na kayo mauupo ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan.

Read more...