2 banyaga, 1 Pinay dakip sa P4.08M shabu

ARESTADO ang dalawang banyaga at kanilang kasabwat na Pilipina nang makuhaan ng P4.08 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Makati City, Martes ng gabi.

Nakilala ang mga naaresto bilang sina Ifeanyi Augustine Chinwueba, 30, ng Nigeria; Antoine Negou Fotie, 40, ng Cameroon; at Pilipinang si Jeneth Fotie, 24, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region.

Ang tatlo ay pawang mga nakatira sa Mabalacat, Pampanga, ayon sa ulat.

Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA-NCR Special Enforcement Team at PDEA-Central Luzon ang operasyon sa isang gasolinahan sa EDSA northbound, Brgy. Forbes Park, dakong alas-10.

Nakuhaan ang mga suspek ng apat na paketeng may kabuuang 600 gramo ng umano’y shabu, at narekober sa kanila ang buy-bust money, ayon sa ulat.

Hinahandaan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law. (John Roson)

Read more...