SINUSPINDI ng National Basketball Association (NBA) ang lahat ng mga laro nito ngayong season matapos na ang isang manlalaro ng Utah Jazz player ay magpositibo sa preliminarily testing sa coronavirus Huwebes (PH time).
Ang resulta ng nasabing test ay inilabas bago mag-umpisa ang laro ng Utah Jazz kontra Thunder sa Oklahoma City.
Sinabi naman ng liga na ang apektadong manlalaro ay wala sa arena at ginagamot ng mga health officials.
“The NBA is suspending game play following the conclusion of tonight’s schedule of games until further notice,” sabi ng liga. “The NBA will use this hiatus to determine next steps for moving forward in regard to the coronavirus pandemic.”
Sinabi naman ng Jazz sa kanilang pahayag na ang apektadong manlalaro ay mayroong sintomas ng trangkaso bagamat lumabas sa unang pagsusuri na negatibo ito sa influenza at respiratory infection.
Nagdesisyon naman na magkaroon uli ng pagsusuri para sa COVID-19. Dito lumabas na positibo ang manlalaro at ginamot agad ito ng mga health officials sa Oklahoma City.
“A preliminary positive result came back right before tip-off of the Utah Jazz-Oklahoma City game,” sabi ng Jazz sa kanilang pahayag. “The decision was correctly made by the NBA to postpone the game.”
Hindi pinangalanan ang manlalaro sa pahayag subalit sinabi ni Denver Nuggets coach Mike Malone sa mga mamamahayag na ito ay si French defensive standout Rudy Gobert. Naunang nakalista si Gobert na ‘questionable’ sa laro bago inilagay na hindi makakalaro bunga ng karamdaman.
“Rudy Gobert. You think it is not going to affect us, we are NBA,” sabi ni Malone. “One of our players has the coronavirus. Who knows what that means for their team and the other teams that have been with them.”
Nagkaroon naman ng diskusyon ang mga team owners Huwebes kung paano tutugunan ng liga ang coronavirus outbreak.
Nauna nang tinalakay ng mga NBA team owners at league officials kung paano nito haharapin ang coronavirus outbreak kung saan kinonsidera nito ang pagkansela ng mga laro at pagsasagawa ng mga laro na walang mga nanonood na fans sa mga arena.
Kinumpirma ng Golden State Warriors na ang laro nito kontra Brooklyn Nets ngayong Biyernes sa San Francisco ay ilalaro ng ‘closed doors’ matapos na ianunsyo ng San Francisco city officials ang two-week ban sa mga pagtitipon ng mahigit na 1,000 tao.
Isinagawa ng liga ang nasabing desisyon matapos ang mga nakalilitong eksena sa Oklahoma City, kung saan ang mga Jazz at Thunder players na nagwa-warmup sa court bago ang tip-off ay biglang pinabalik ng kanilang mga locker rooms bago pinalabas ng mga pulis ang mga tao sa loob ng Chesapeake Energy Arena.
Sinabihan naman ang mga fans bago pinalabas sa arena na ang laro ay na-postpone bunga ng “unforeseen circumstances”.
Mayroon namang nakaiskedyul na anim na laro ang NBA nitong Huwebes at apat dito ay umarangkada na bago ipinatigil ang laro sa Oklahoma City pati na ang laro ng New Orleans Pelicans at Kings sa Sacramento.