Regular na oras ng pagtulog at paggising versus heart disease

MAYROON ka bang regular o karaniwang oras ng pagtulog at paggising?

Kung oo ang sagot mo, malaking tulong ito sa iyo para hindi magkaroon ng cardiovascular disease (CVD) o yung sakit na may kaugnayan sa puso.

Nabatid kasi sa isang bagong pananaliksik sa Estados Unidos na ang mga adult na walang regular na oras na pagtulog at paggising ay mas mataas ang panganib na magkaroon ng cardiovascular disease kumpara sa mga mayroong regular na oras ng pagtulog.

Isinagawa ng mga mananaliksik mula sa Brigham and Women’s Hospital at Harvard Medical School, ang bagong pag-aaral ay tumutok sa 1,992 lalaki at babae na may edad na 45 hanggang 84 na walang iniindang cardiovascular disease sa pagsisimula ng pag-aaral.

Para masundan ang kanilang pagtulog at paggising, pinasuot ang mga kalahok ng actigraph devices sa kanilang wrist sa loob ng pitong sunod na araw pati weekends maliban pa sa pagsagot ng isang comprehensive sleep test at questionnaire.

Sinundan ang mga kalahok sa loob ng limang taon.

Ang pag-aaral, na inilabas online sa Journal of the American College of Cardiology, ay nagpakita naman na ang mga kalahok na walang maayos na pagtulog o kaya ay walang eksaktong oras ng pagtulog at paggising ay mas mataas ang tsansa na makaranas ng CVD sa isinagawang five-year follow-up period kumpara sa mayroong may regular na oras ng pagtulog.

Lumabas din sa pag-aaral na ang hindi maayos na pagtulog ay mas malaki ang kaugnayan sa pagkakaroon ng CVD. Sinabi pa ng mga mananaliksik na ang natuklasan sa pag-aaral ay nakaayon din sa iba pang pag-aaral na kalalabas lang.

“We hope that our study will help raise awareness about the potential importance of a regular sleep pattern in improving heart health. It is a new frontier in sleep medicine,” sabi ni lead study author Tianyi Huang, ScD.

Idinagdag ng mga mananaliksik na bagamat hindi malinaw kung ang pagtulog ay nakakaimpluwensiya sa panganib ng CVD, ang pag-aaral ay nagmumungkahi na ang pagkakaroon ng regular na oras ng pagtulog ay nakakatulong para makaiwas sa heart disease katulad ng ibang heart-healthy habits gaya ng healthy diet at ehersisyo.

Read more...