Obesity lumalalang problema ng kalusugan

NOON pretty ang tingin sa mga matatabang babae. Bakit?

Dahil ang kahulugan ng pagiging mataba ay nakakakain siya ng sapat kaya malamang siya ay mayaman o nakaka-angat sa buhay.

Pero ngayon ang pagiging mataba—obese o overweight, ay iniuugnay na sa sakit o pagkakaroon ng hindi malusog na katawan.

Ang obesity at overweight ay ang abnormal o labis na pagkakaroon ng taba sa katawan na nagpapahina sa kalusugan ng isang tao.

Ang Body mass index ay isa sa simpleng ginagamit upang malaman kung ano ang tamang timbang ng isang tao batay sa kanyang taas. Ang timbang ng tao (kilogram) ay dini-divide sa square ng kanyang height (kg/m2).

Overweight o Obese

Ayon sa World Health Organization, ang isang matanda ay overweight kung ang kanyang BMI ay 25 o higit pa. At obese naman ang isang adult kung ang BMI nito ay 30 o higit pa.

Ang BMI ang pinaka-epektibong pagtukoy kung overweight o obese ang isang tao na magagamit mapa-lalaki man o babae.

Sa mga bata na wala pang limang taong gulang, overweight ito kung ang weight-for-height nito ay lagpas ng dalawang standard deviations batay sa WHO Child Growth Standards median.

Obese naman kung ang weight-for-height nito ay mahigit tatlo sa standard deviations ng WHO Child Growth Standards median.

Ang mga bata naman na 5-19, overweight ito kung ang BMI-for-age ay mahigit ng 1 sa standard deviation ng WHO Growth Reference median.

At obesity naman kung mahigit ito ng dalawa sa standard deviations ng WHO Growth Reference median.

Dami

Noong 2016, mahigit sa 1.9 bilyong tao na edad 18 pataas ang overweight at 650 milyon sa mga ito ay obese.

Ang bilang na ito ay triple ng obese na naitala noong 1975.

Noong 2018, may 40 milyong bata na wala pang limang taong gulang ang overweight o obese. Dati ay problema lamang ito ng mga high-income country pero ngayon ay marami na ring obese sa low at middle-income na bansa.

Sa Africa, halos 50 porsyento ng mga bata na wala pang limang taong gulang ay overweight. Halos kalahati naman ng mga bata na wala pang limang taong gulang sa Asya noong 2018 ay overweight o obese.

Noong 1975, isang porsyento ng mga bata na edad 5-18 ay obese. Lumobo ito sa 124 milyon noong 2016.

Ang pagiging overweight at obese ay iniuugnay sa maraming pagkamatay kumpara sa mga underweight.

Ang pagiging obese o overweight ay iniuugnay sa pagkain ng mga pagkain na mataas ang calorie content.

Iniuugnay din sa kakulangan ng physical activity ang pagtaas ng bilang ng mga mabigat ang timbang. Kabilang sa nakaimpluwensya rito ang kawalan ng outside physical activity at pagganda ng transportasyon.

Ang mga matataas ang timbang ay iniuugnay sa cardiovascular diseases gaya ng sakit sa puso at stroke na siyang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao noong 2012.

Nariyan din ang diabetes, musculoskeletal disorders katulad ng osteoarthritis at kanser– endometrial, breast, ovarian, prostate, liver, gallbladder, kidney, at colon.

Ang obesity at overweight ay sanhi ng lifestyle ng isang tao at upang maiwasan ito ay dapat bawasan ang energy intake mula sa fats at sugar at damihan ang pagkain ng prutas at gulay.

Ang mga bata ay dapat mayroong 60 minutong physical activity kada araw at 150 minuto naman sa isang linggo para sa mga matatanda.

Read more...