SINUPALPAL ni Sunshine Cruz ang dating broadcast journalist na si Jay Sonza matapos tawaging “fake ambush” ang nangyari kay Kim Chiu.
Hanggang ngayon ay mainit pa ring pinag-uusapan ang pamamaril ng riding-in-tandem sa van ng Kapamilya actress noong Miyerkules ng umaga sa Quezon City. Nakaligtas sa insindente si Kim pati na ang kanyang personal assistant at driver.
Isa si Sunshine sa mga celebrities na nagtanggol kay Kim laban kay Jag Sonza. Si Shine ang gumaganap na nanay ni Kim sa seryeng Love Thy Woman ng ABS-CBN.
Papunta sa taping ng serye si Kim nang tambangan ng mga suspek sa kanto ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia sa Quezon City. Ayon sa mga imbestigador, talagang sinundan ng riding in tandem ang van ng dalaga mula paglabas ng kanilang subdivision.
Nag-post sa Facebook si Jay Sonza kung saan sinabi nitong “isang malaking DRAWING” ang nangyaring pang-aambush kay Kim.
“Unbelievable” at maraming butas ang statement ni Kim at malamang daw writer ng Ang Probinsyano ang sumulat sa “script” ng sinasabing “ambush me.”
Sa kanyang Instagram Story, tinawag ng aktres na “so mean” ang pahayag ng dating radio commentator. Hindi niya binanggit ang pangalan ni Jay pero aniya, “So mean for someone to conclude na planned ang ambush ng ibang tao.”
“And yes, sa umaga, kapag 6am ang call time namin, usually bumabalik kami sa pagtulog sa loob ng van. Hindi unusual na gawain yan.
“Dahil walang natamaan at walang namatay drawing agad?! Grabe naman!” sabi pa ni Sunshine.