NADISMAYA at nalungkot si Marcelito Pomoy sa naging resulta ng kanyang laban sa America’s Got Talent: The Champions edition.
Naiintindihan niya ang mga sentimyento ng madlang pipol sa pagkatalo niya sa nasabing singing search sa Amerika pero aniya hindi dapat magalit ang mga Pilipino dahil nag-third runner up lang siya.
Marami kasi ang nagsasabi na napolitika si Marcelito kaya hindi siya ang nag-champion, pero sabi nga ng Kapamilya singer tanggap na niya ang naging resulta at ite-treasure niya forever ang naging experience niya sa show.
“Sobrang malaking pagbabago. Kasi sa Pilipinas Got Talent, iba ‘yung approach ng Pilipino. Well, itong sa America’s Got Talent, hindi lang Pilipino mga nanonood at nag-aapproach kundi taga-ibang lahi din. Sobrang laking pagbabago,” pahayag ni Marcelito sa panayam ng ABS-CBN.
“Hindi ako nagagalit. Kung ano man ang narating ko, kung ano man ang resulta nu’n, malaking achievement na sa akin ‘yun.
“Hindi lang kasi ako sa Pilipinas nakilala kundi sa buong mundo. Pinakita ko lang kung ano’ng talento meron ako. At least sine-share ko ‘yun sa buong mundo,” aniya pa.
At dito na nga niya inamin na totoong nadismaya siya sa naging resulta ng contest tulad nga maraming Pinoy na umasang siya ang tatanghaling grand winner.
“Kahit naman ako. Kahit sino naman madi-disappoint talaga sa mga nangyari. But kung ano man ang mga nangyari, ‘wag na silang ma-disappoint kasi hindi naman natin hawak ‘yung show. Hindi naman natin hawak ‘yung mga bumoto na mga super fans or kung sino man ‘yan,” paliwanag ni Marcelito.
“Ang atin na lang, nakatungtong tayo sa The Champions Edition. Hindi lang sa semi-finals, sa grand finals kundi naka-top four pa.
“So malaking achievement na po para sa akin ‘yun at sa lahat ng mga nanonood at nakita ‘yung video sa finals, so maraming salamat sa walang sawang pagsuporta at paniwala sa aking talento,” pagpapatuloy pa niya.
Samantala, nang dahil nga sa ipinakita niyang talento sa AGT, nakatakdang ikutin ni Marcelito ang iba’t ibang bahagi ng mundo para sa kanyang concert tour.