ABS-CBN franchise renewal diringgin na

MAGSASAGAWA ng pagdinig ang House committee on legislative franchises sa Marso 10 kaugnay ng renewal ng prangkisa ng ABS-CBN 2.

Ito ang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa press briefing kahapon kung sana muli niyang iginiit na diringgin ang mga pabor at tutol sa renewal ng prangkisa.

Ayon kay Cayetano sesentro ang pagdinig sa pagtiyak na magpapatuloy ang operasyon ng ABS-CBN kahit expired na ang prangkisa nito sa Mayo.

Ipatatawag ang mga opisyal ng National Telecommunication Commission sa pagdinig pero hindi muna ang mga opisyal ng ABS-CBN at ang mga tutol sa renewal ng prangkisa nito.

Isasagawa ang pagdinig sa Belmonte Hall ng South Wing Annex ala-1 ng hapon.

“Una ay i-re-announce sa mga pro at anti-ABS-CBN na magsumite na ng position paper. Para malinaw sa NTC na pending the committee at tini-take up na sa committee, so huwag nilang papatayan ng ilaw ika nga or grant-an nila ng provisional authority,” ani Cayetano.

At pangatlo umano ang paglalatag ng chairman ng komite na si Palawan Rep. Franz Alvarez ng rules sa pagdinig.

“…. dahil ayaw nating maging circus, ayaw natin po na maging bull session ang hearing ibig sabihin lahat ng may sama ng loob sa ABS yun gagawin, ayaw din naman natin maging sipsipan forum na lahat ng magsasalita na isa lang ang sasabihin kung gaano kagaling, kung gaano kabango, gaano karami nagawa ng ABS. We want to define the issues so ang paki-usap ko sa lahat ng pro at anti, before we reconvene in May nakapasok na lahat nung position paper dahil si chairman ang magsasabi, aside from the opening statement ng ABS, kung paano ang pagsunod-sunod ng mga issues. For example lahat ng labor issues isang usapan din sasagutin ng ABS-CBN, lahat ng question sa political coverage sasama-sama ni chairman then isang sagutan para hindi tayo parang circus.”

Read more...