NATAGPUANG patay ang magkapatid na batang lalaki sa kanilang bahay sa Lipa City, Batangas, nitong Martes, matapos diumanong gilitan ng sariling ama, ayon sa pulisya.
Nadiskubre ding walang buhay sa parehong bahay ang kanilang ama, na pinaniniwalaan namang nag-suicide matapos ang krimen, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Nakilala ang mga nasawing paslit bilang sina Prince Vherjel, 8, at Prince Savier Parilla, 6, grade 2 at grade 1 pupil ayon sa pagkakasunod, at residente ng Sitio Bulaklakan, Purok 3, Brgy Sto. Toribio.
Sinabi sa pulisya ng kanilang pinsan na nadiskubre niya ang krimen nang bumisita siya sa bahay dakong alas-8 ng umaga.
Unang tumambad sa kanya ang bangkay ni Bergilio Parilla, ang ama ng mga paslit, na nakabitin sa lubid sa pinto ng isang silid, ayon sa pulisya.
Kasunod nito’y natagpuan naman ang magkapatid na batang lalaki na nakahandusay sa loob ng kanilang silid.
Kinakitaan ang mga bata ng taga sa kanilang mga leeg.
Pinaniniwalaang tinaga muna ni Bergilio ang mga bata bago siya nagbigti, ayon sa pulisya.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na si Bergilio, isang 34-anyos na welder na tubong Leyte, ay dumanas ng depresyon.