Mga Laro Ngayon
(SM Mall of Asia Arena)
10:30 a.m. Jordan vs Hong Kong
12:45 p.m. Bahrain vs Iran
3 p.m. Japan vs
Chinese Taipei
5:45 p.m. China vs India
8:30 p.m. Philippines
vs Qatar
10:30 p.m. Kazakhstan
vs Korea
LIMANG manlalaro ng Qatar ang tumapos bitbit ang 10 puntos pataas para katampukan ang 75-61 panalo sa Jordan sa pagbubukas ng second round sa group elimination ng 27th FIBA Asia Men’s Championship kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang yugto lamang naging kapana-panabik ang labanan matapos magtabla sa 23-all ang dalawang koponan bago nagsimulang magtrabaho na ang mga Qataris sa sumunod na dalawang quarters upang tanganan ang 61-52 matapos ang tatlong quarters.
Si naturalized center Jarvis Hayes ay mayroong 15 puntos habang sina Yasseen Musa, Daoud Mosa, Saeed Erfan Ali at Elhadary Mansour Atlif ay mayroong 14, 13, 11 at 10 puntos para isulong ng Qatar ang karta sa Group E sa 3-0.
Pasok na sa quarterfinals ang Qatar kahit may dalawa pang larong nalalabi bago matapos ang yugto pero pupukpok pa rin ang koponan upang gumanda ang puwesto sa crossover quarterfinals.
Kalaro nila ngayon ang Pilipinas at nakikita ng Australian coach ng Qatar na si Tom Wisman na magiging problema niya ay kung paano tatapatan ang bilis ng Gilas national team.
“We know they (Filipinos) are quick so we got to prepare for that,” wika ni Wisman. Ang Pilipinas ay mayroong 1-1 baraha sa round na ito at kailangan nilang walisin ang tatlong laro para gumanda ang puwesto sa quarterfinals na simula ng knockout round.
Kinaharap kagabi ng tropa ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes ang Japan at kung nanaig ang home team ay masosolo ang tangan sa ikatlong puwesto sa Group E.
Ang mangunguna sa grupong ito ay makakatapat ng apat na aabante sa Group F na kinabibilanganan ng malalakas na Iran, Korea, China at Kazakhstan.
Tiyak na dadaan uli sa butas ng karayom ang Gilas dahil hindi pa nila tinatalo ang Qataris matapos ang dalawang pagtutuos.
Unang yumukod ang Pilipinas noong 2003, 69-77, bago naulit sa edisyong ginanap sa Tokushima, Japan noong 2009 sa 65-83 iskor.
( Photo credit to Google )