Hatid-sundo ngayon ni Matteo Guidicelli ang kanyang misis na si Sarah Geronimo. Idadaan muna niya si Sarah sa linya ng trabaho nito at babalikan na lang kapag tapos na.
Malaya na silang gawin ‘yun dahil mag-asawa na sila ngayon. Wala nang makahaharang pa sa kanila.
Na-trauma ang mag-asawa sa ginawang pagsugod ni Mommy Divine sa reception ng kanilang kasal. Hindi simpleng makakita ng isang taong nagwawala, sigaw nang sigaw, baka nga hanggang sa kanyang panaginip ay naaalala pa ‘yun ni Sarah.
Kuwento ng isang miron, “Ganu’n ang ginagawa ngayon ni Matteo, meron din kasi siyang trabaho, kaya hatid-sundo niya si Sarah. Pero meron siyang in-assign na PA at security ni Sarah.
“Iba na nga naman ang ganu’n, malalaman niya ang nangyayari sa wife niya. Baka nga naman kasi biglang sumugod si Mommy Divine, kawawa naman si Sarah,” kuwento ng aming source.
Ang pinakahuling balita ay banned nang pumasok sa St. Charbel Subdivision ang mag-asawa. Ang utos siyempre sa mga guwardiya ng subdivision ay mula sa mga magulang ng singer-actress.
Paano kung panahon na para magpakumbaba sa kanila sina Matteo at Sarah? Di hinarangan na nina Mang Delfin at Mommy Divine ang maganda sanang pagkakataon para maging maayos na ang kanilang relasyon?
Paano sila magkakasundo kung umiiwas naman silang makausap nang personal ang mga bagong kasal?