PNP Lieutenant General Guillermo Eleazar, tulong po!
Ito ang mensahe ng mga empleyado, turista, at commuter na dumadaan sa service road ng Roxas boulevard mula Vito Cruz hangang Gil Puyat Avenue sa Pasay City.
Talamak na ang mga “riding in tandem” doon na nang-aagaw ng mga clutch bag at handbag sa mga dumadaan. Maraming malalaking hotel at business establishments ang naririto pero walang tigil ang krimen pagsapit ng hapon hanggang madaling araw, lalo na tuwing uwian ng mga empleyado at guests.
Karamihang biktima ay mga dayuhan — Chinese, Korean at Hapones, pati mga empleyado ng hotel, ng iba’t ibang tanggapan at club. Hindi naman makapagreklamo dahil sa paniniwalang walang mangyayari at wala namang nahuhuling suspect. Kasi raw, walang “police presence” doon kapag sumapit ang dilim.
Sa pagkakaalam ko, hindi nangyari ito noong panahon ni dating NCRPO Chief Gen Guillermo Eleazar. Dahil kahit gabi, sinisiguro ni Eleazar na nagtratrabaho ang mga pulis, 24 oras nagpapatrolya ang mga pulis at bawal magsitulog ang mga nasa presinto.
Madaling magreklamo sa pulis Pasay at mabilis ang police action.
Halos dalawang kilometro lang ang haba ng service road at hindi mahirap bantayan. Ngunit ang problema, nakakalusot sa mga iskinita ang mga suspect dahil talagang walang mga pulis.
NCRPO chief Major General Debold Sinas, SPD Director Nolasco Bathan at Pasay City police chief Col. Bernard Yang, ito’y malaking hamon sa inyo. Aba’y umaksyon naman kayo!
***
Magmula noong Enero 15 o sa nakalipas na 45 araw, mahigit 2,000 Chinese nationals ang idineport pabalik ng kanilang bansa dahil sa “cybercrime fraud” at iba pang “criminal activities”.
Ito ang resulta ng kooperasyon ng Pagcor sa Chinese Embassy upang hanapin ang mga illegal na mga empleyado sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) dito.
Inatasan ng Pagcor ang mga “lisensyadong “ POGO na agad na i-surrender ang mga “Chinese fugitives” na nakapasok sa kanilang hanay. Kung hindi, pati silang mga employers ay aarestuhin din.
Sa ngayon, ang China ay merong ‘SKY NET 2019’ at ‘FOX HUNT OVERSEAS OPERATION” kung saan hinahanap at aarestuhn nito ang mga tumakas nilang mga kriminal sa ibang bansa, pati ang pagbawi sa mga “stolen assets” ng kanilang gobyerno
Isang “POGO OPERATIONS CENTER” ang binubuo ngayon ng Department of Justice at Pagcor para tutukan ang mga problema ng illegal gambling at cybercrimes, hindi lamang sa mga lisensyadong POGO ng Pagcor, pati na rin sa mga nagkalat na illegal POGO na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ito ang makikipag-coordinate sa Chinese embassy para hanapin ang mga may criminal record sa higit 70,000 Chinese nationals na kawani ng POGO sa bansa.
***
Bilib naman ako rito kay Makati mayor Abby Binay sa determinasyong iangat ang kapakanan ng lahat ng mga estudyante sa kanyang lungsod.
Ngayong taon, P3.3 bilyon ang inilaaan niyang budget sa edukasyon at P1.16bilyon dito ay para sa Project FREE (Free relevant and excellent education) na nagbibigay ng mga libreng kagamitan ng mga mag-aaral (uniporme, school supplies, rubber shoes, jackets, emergency go kits, anti-dengue kits, dental hygiene kits, tumblers atbp). Pati insurance ng mga bata, feeding programs, gastos sa graduation, mayroon pang allowance sa high school students at iba pa.
Tahimik lang magtrabaho si Mayora Abby, pero iba talaga ang benepisyo.
***
Para sa komento o tanong, mag-email sa [email protected] o mag-text sa 09989558253.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.