SA ikatlong sunod na araw, ipinagpatuloy ng defending champion Standard Insurance-Navy ang pamamayagpag kung saan ang team skipper nitong si Jan Paul Morales ang naghari sa Stage Six ng LBC Ronda Pilipinas 10th anniversary race at nagselyo sa kanila ng team title kahit may nalalabi pang apat na stage sa karera.
Naungusan ng 34-anyos na si Morales, ang 2016 at 2017 champion, sina Dominic Perez ng Bicycology-Army at Aidan James Mendoza of 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines sa isang mass finish para masungkit ang 111.9 kilometrong lap sa loob ng dalawang oras, 34 minuto at 48 segundo na nagsimula at natapos sa Tarlac City Sabado.
Nagtala ang Navymen ng 1-2-3 finish sa Daet to Lucena Stage Four bago nakarating ang anim na miyembro nito sa finish line sa isang rekord at dominanteng pagpapakita sa Lucena to Antipolo Stage Five from para halos makopo ang lahat ng kategorya.
Nahirapan naman si George Oconer, na isa ring pambato ng Standard Insurance-Navy, na makawala matapos mapasama sa peloton sa kaagahan ng Stage 6 bago nakabawi para makahabol sa lead pack.
Bunga nito napanatili ng 28-anyos na si Oconer ang hawak sa individual general classification lead sa natipong oras na 20:29:11 at patuloy na suotin ang LBC red jersey sa ikalawang sunod na araw sa 116.5 kilometrong Stage Seven na magsisimula sa Capitol dito at magtatapos sa Palayan, Nueve Ecija.
Nakabuntot naman kay Oconer ang kanyang Standard Insurance-Navy teammates na sina 2018 Ronda king Ronald Oranza (20:30:26), Ronald Lomotos (20:30:29), John Mark Camingao (20:31:04), Junrey Navarra ( 20:31:28) at El Joshua Carino (20:33:02) sa karerang hatid ng LBC at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation.
Nakasama rin sa top 10 sina Mark Julius Bordeos ng Bicycology (20:33:25), Rustom Lim ng 7Eleven (20:33:31), Jonel Carcueva (20:33:39) at Ismael Grospe, Jr. (20:34:09) ng Go for Gold.
Naitakbo naman nang tuluyan ang Navymen ang team crown sa nalikom na 81:56:49 at 23.40 minuto ang layo sa humahabol na Go for Gold (82:20:29). Nasa ikatlong puwesto ang Bicycology sa 82:22:08.
Napipinto ring mauwi ng Standard Insurance-Navy ang CCN sprint at Versa King of the Mountain categories dahil nakakapit pa sina Morales at Navarra dito sa karerang suportado rin ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.
Ang MVPSF Under-23 rider award ay inaasahang mauuwi ng Go for Gold dahil tatlo sa pambato nito na sina Grospe, Daniel Ven Carino at Jericho Jay Lucero ay pinaglalabanan ito.