Kotse sumalpok sa trak: 4 patay, 1 malubha

APAT katao ang nasawi at isa pa ang malubhang nasugatan nang sumalpok ang sinakyan nilang kotse sa isang trak sa bahagi ng Maharlika Highway na nasa Gumaca, Quezon, Biyernes ng umaga.

Kabilang sa mga nasawi si Joseph Dumlao, 33, residente ng Pasig City, na nagmaneho ng kotseng Mitsubishi Mirage (NCS-5879), ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Nasawi rin ang mga sakay niyang sina Rozalie Soldevilla, 35; Raquel Soldevilla, 42; at Rodolfo Soldevilla, 70, pawang mga residente ng Tabuk City, Kalinga.

Malubhang nasugatan ang isa pang pasahero, na nakilala bilang si Roxanne Soldevilla, 25, residente din ng Tabuk City.

Minamaneho ni Dumlao ang kotse sa bahagi ng highway na sakop ng Brgy. Panikihan dakong alas-4:30, nang sumalpok itoo sa kasalubong na Isuzu truck (RGC-417), na noo’y minamaneho ni William Pelareja, 34, patungo sa direksyon ng Maynila.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na lumipat sa kabilang lane ang kotse kaya ito sumalpok sa trak.

Dinala lahat ng sakay ng trak sa Gumaca District Hospital, pero di na umabot nang buhay si Dumlao at tatlo sa kanyang mga pasahero, ayon sa ulat.

Naka-confine pa sa naturang pagamutan ang ikaapat na pasaherong si Roxanne, habang isinusulat ang istoryang ito.

Hindi nasugatan si Pelareja sa insidente, ayon sa pulisya.

Read more...