SARAH TODO-IWAS SA INTERVIEW: OK NA PO YUN, PASENSIYA NA…SORRY PO

MATTEO GUIDICELLI, SARAH GERONIMO AT VIC DEL ROSARIO

IWAS na iwas at tila hiyang-hiya si Sarah Geronimo nang makorner ng ilang reporter ng ABS-CBN bago sumalang sa taping ng The Voice Teens nitong Lunes.

Hindi sumagot ang Popstar Royalty sa mga tanong tungkol sa kontrobersyal na “secret wedding” nila ni Matteo Guidicelli noong Feb. 20 sa Shangri-La Hotel sa Bonifacio Global City, Taguig.

Hinintay talaga ng mga entertainment reporter si Sarah sa ABS-CBN compound dahil may taping nga ito para sa reality singing search na The Voice Teens kung saan isa siya sa mga coach.

At nang dumating na nga sa studio ang misis ni Matteo, sinundan nila ito para kumustahin ang wedding at linawin ang sinasabing pagsugod ni Mommy Divine sa reception at ang panununtok umano ni Matteo sa kanyang bodyguard.

Sa isang video na ipinost sa ABS-CBN News, mapapanood ang naging reaksiyon ni Sarah sa panayam. Dito makikita si Sarah na naglalakad habang sinusundan ng press.

At nang makitang kinukunan siya, nagtanong ito ng, “Ano po’ng atin?”

Sinagot naman siya ng kumukuha ng video ng, “TV Patrol, Ma’m.”

Nakangiting yumuko si Sarah sabay nagtakip ng kanyang kanang tenga. Nag-peace sign siya sa mga reporter sabay dialogue ng, “Okay na po. Okay na po. Okay na po.”

Habang patuloy na naglalakad, isang crew naman ng Tonight With Boy Abunda ang nagtanong kay Sarah ng, “Anong… reaction lang.” Na sinagot ng singer-actress ng, “Bakit? saan?”

Hirit naman ng TWBA reporter, “For ano lang…what happened.”

“What happened?” balik-tanong ni Sarah na sinagot naman ng nagtatanong ng, “Nu’ng happy… nung nangyari sa… nu’ng February 20.”

Tugon naman ng Sarah, “Okay na po yun. Pasensiya na. Sorry po. Sorry.” Tinapik pa ng asawa ni Matteo ang nagtanong sabay peace sign uli.

Walang napala ang mga Kapamilya reporters sa tangka nilang ma-interview ang singer-actress hanggang sa paligiran na siya ng kanyang staff at patuloy na naglakad patungo sa The Voice Teens studio.

* * *

“Iyak siya nang iyak!” Yan ang kinumpirma ng manager ni Sarah Geronimo na si Boss Vic del Rosario nang magkaroon ng gulo sa kasal nila ni Matteo Guidicelli.

Sa phone interview ni Raffy Tulfo kay Boss Vic para sagutin ang reklamo sa alaga rin niyang si Matteo ng bodyguard ni Sarah na si Jerry Tamara, inilahad nito ang ilang detalye sa pagsugod ni Mommy Divine sa AshMatt wedding.

“Nu’ng dumating ako agad-agad si Mommy Divine at si Sarah ang kausap ko. So ‘yung insidente mismo na kinukuwento niya ay wala pa ako roon. Ang alam ko dumating si Mommy Divine dahil nasorpresa, in a way parang nag-gate crash siya roon sa party.

“Nagkaroon ng konting pag-uusap at pagtatalo. I think ang buong eksena na ‘yon, siyempre si Sarah ang apektado at siya ‘yung nasa gitna. Iyak siya nang iyak, ‘yun ang alam kong nangyari,” pahayag ng Viva Films producer.

“Si Matteo ang tumawag sa akin dahil siyempre sabi niya baka mabuti ay dumating ka rito at maawat ang gulo. Agad-agad tumakbo ako roon siguro walang 10 or 15 minutes nandoon ako.

Naabutan ko sa kuwartong ‘yon ay si Sarah at saka si Mommy Divine at ang kanyang bodyguard.

“Agad-agad sabi ko kay Sarah, lumabas ka kami na lang ni mommy mo ang mag-uusap. Nag-usap kami more than an hour dahil hinihintay ni Mommy Divine ang kanyang asawa na si Delfin para dumating. So hindi ko na alam ang nangyari,” lahad pa ni Boss Vic.

“Pagkatapos noon ay umalis na rin si Sarah kasama ang kanyang asawa, si Matteo, at ang alam ko sumunod ang kanyang bodyguard. Kinabukasan nakausap ko si Sarah, wala siyang nakita at wala siyang alam na sinuntok na bodyguard daw ni Matteo.

“Ayon kay Sarah, hindi totoo ‘yon, walang baril, wala lahat, wala siyang narinig. So ‘yun lang ang masasabi ko,” aniya pa.

Payo naman niya sa nanay ni Sarah, “Kino-console ko siya na, ‘Mommy, nag-asawa na yung dalawa, e. Sa tingin ko, dapat pagbigyan na natin.’ Kasi, di ba, nag-asawa na, desisyon nila yun.”

Read more...