NAGHAIN ng joint resolution sa Kamara de Representantes upang palawigin ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang sa Hunyo 30, 2022 o hanggang sa matapos itong talakayin ng Kongreso.
Ayon kay Cebu Rep. Raul del Mar, may-akda ng House Joint Resolution 28, kulang na ang oras ng Kongreso para matalakay at mapagbotohan ang aplikasyon ng ABS-CBN na mapapaso na sa Mayo.
Sa Marso 14 ay maga-adjourn ang sesyon para sa Holy Week break ng Kongreso.
“This will enable Congress to discharge its constitutional duty of protecting public interest in the grant and repeal of franchises without trampling on rights to due process and infringing on free press and free speech,” ani del Mar.
Ang HJR 28 ay agad na ipinadala ng liderato ng Kamara sa House committee on legislative franchise na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez noong Lunes.
“It is now up to the Committee Chairman and Members to decide on how to dispose of the HJR No. 28, whether to prioritize it over a slew of ABS-CBN franchise extension bills filed separately by 11 other congressmen,” ani House Majority Leader Martin Romualdez. “This may further clog up the calendar of the Committee on Franchises since it also has to consider House Resolution 639 filed by Albay Rep. Edcel Lagman last January 6.”
Nanawagan si Romualdez sa mga pabor at tutol sa franchise renewal ng ABS-CBN na magsumite ng kanilang mga position paper sa komite upang marinig ang kanilang panig.
“I pray that the stakeholders in this issue give the House Committee on Legislative Franchises enough time to deliberate intelligently on the ABS-CBN franchise extension,” dagdag pa ni Romualdez.