NAGPAKUMBABA na si Kris Aquino kay dating Pangulong Noynoy Aquino.
Makalipas ang mahaba-habang panahon, muling nagkita ang magkapatid nitong nakaraang weekend sa kasal ng kanilang pamangkin.
Ibinahagi ng TV host-actress sa kanyang Instagram account ang isang video kung saan makikita ang pagkikita nila ni PNoy at ang paglapit niya sa kanyang kuya habang ginanap ang seremonya ng kasal ng kanilang pamangkin at inaanak na si Ana Corazon o Nina.
Kasama rin ni Kris sa wedding ang mga anak na sina Joshua at Bimby. Sa caption niya sa kanyang IG post, naikuwento ni Tetay kung paano sila nagkaroon ng chance na magkita ng dating pangulo.
“Ako ang nakababata, kaya nung ‘peace be with you’ ako ang lumapit… ninerbyos ang aking bunso, si kuya sobrang na HAPPY,” mensahe ni Kris.
“Hindi pinilit, pero answered prayer para sa mga sisters namin. In God’s time, nabuo kaming muli… ito po ang totoong pamilya,” dagdag pa niya.
Kamakailan ay inamin ng Queen of All Media na matagal na silang hindi okay ng kanyang kapatid, ilang taon na rin daw silang hindi nagkakausap pero naniniwala siyang maaayos din ang lahat.