ABAP pararangalan bilang National Sports Association of the Year

NESTHY Petecio

KASAMA ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa mga mabibigyan ng parangal sa gaganaping SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night matapos na kilalanin bilang National Sports Association of the Year.

Sa pangunguna ni Nesthy Petecio, ang mga Filipino boxers ay nagpakita ng husay noong 2019 sa pagwawagi ng gintong medalya sa mga international tournaments.

Bunga nito ang ABAP ang tatanggap ng NSA of the Year award mula sa pinakamatandang media organization ng bansa na magkakaloob din ng parangal at pagkilala sa mga top sports personalities sa gaganaping okasyon ngayong Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Ang Team Philippines ang pagkakalooban ng Athlete of the Year award sa event na hatid ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia at Rain or Shine.

Ang 27-anyos na si Petecio ang namuno sa matagumpay na kampanya ng ABAP sa pagkubra niya ng gintong medalya sa AIBA Women’s World Boxing Championships na ginanap sa Ulan-Ude, Russia. Dinaig niya ang hometown bet na si Liudmila Vorontsova sa pamamagitan ng split decision para magreyna sa featherweight division.

Nakahablot naman si Felix Eumir Marcial ng pilak sa AIBA Men’s World Boxing Championships na ginanap sa Yekaterinburg, Russia. Ang 24-anyos na tubong Lunzuran, Zamboanga City ang naging ikatlong Pinoy boxer na nag-uwi ng pilak sa prestihiyosong torneo matapos nina Roel Velasco (1997) at Harry Tanamor (2007).

Hindi naman nagpaiwan ang 32-anyos na dating world champion na si Josie Gabuco matapos iuwi ang ginto sa ASBC (Asian Boxing Confederation) Elite Boxing Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand. Tinalo ni Gabuco si Kim Hyang Mi ng North Korea sa kanilang women’s light flyweight finals match.

Sila rin ang nanguna sa kampanya ng mga Filipino boxers sa 30th Southeast Asian Games kung saan ang Philippine boxing team ang tinanghal na overall champion.

Sina Petecio, Gabuco at Marcial ay kabilang sa pitong gold medalist ng national team na tumalo sa Thailand para sa boxing overall title.

Ang ginto ni Petecio ay ang una niya sa SEA Games na pumutol sa paghakot niya ng pilak mula noong 2011 hanggang 2015.

Nakuha naman ni Marcial ang kanyang ikatlong SEAG gold medal habang si Gabuco ay mayroon ng limang ginto.

Read more...